Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
WALA mang kontrata sa ngayon sa GMA ay nananatiling Kapuso si Eunice Lagusad; mainstay siya sa nangungunang drama series ngayon, ang Abot Kamay Na Pangarap na pinagbibidahan nina Jillian Ward at Carmina Villarroel.
Wala siyang existing contract sa Kapuso Network simula pa noong 2016.
Hindi na siya nag-renew simula noon at hindi rin siya kabilang sa mga talent ng Sparkle na talent arm ng GMA.
Open naman daw magtrabaho sa kahit saang TV station si Eunice dahil nga freelancer siya kapag natapos na ang Abot Kamay Na Pangarap at walang ibigay na bagong proyekto sa kanya ang GMA.
Kumusta makatrabaho si Jillian na palaging kaeksena ni Eunice sa AKNP?
“Masaya po kasi she’s my friend din po in real life naman so wala pong pressure pag nagtatrabaho po kami pareho, parang naglalaro lang kami sa set.”
Dumalo si Eunice sa pabulosong debut party ni Jillian noong February 25 sa Cove sa Okada Manila.
Samantala, bukod sa telebisyon ay aktibo si Eunice sa pelikula; nasa main cast din siya ng pelikulang Home I Found In You na nagkaroon ng special screening sa Cinema 1 ng Trinoma Mall nitong March 25 na ini-sponsor-an ng Chic, Dada’s Lechon, Heelrest Salon and Spa, Atkins Import and Export, Delta Wood Product, Marco Inc., Klinaire Inc. at ng Massive Dynamics.
Produced ng Rems Films at sa direksyon at panulat ni Gabby Ramos, bida sa Home I Found In You sina Jhassy Busran bilang si Selene at John Heindrick bilang si Red.
Nasa pelikula rin sina Harvey Almoneda bilang si Aldrin, Diego Llorico bilang si Mama Rona, Orlando Sol bilang si Arnold, at ang award-winning veteran actor na si Soliman Cruz bilang si Mario.
Sina Jhassy at Heindrick (o kilala ring JhasDrick loveteam) ay mga bida rin sa ROOMMATE Facebook series, na available for streaming ng libre sa Gabby Ramos official FB page.
Si direk Gabby raw mismo ang kumuha kay Eunice para maging parte ng cast ng Home I Found In You.
“Dumirekta po siya sa akin, tumawag po siya sa akin directly, hindi ko rin po alam kung paano niya nakuha yung number ko,” natatawang kuwento pa ni Eunice.
Kumusta katrabaho si Jhassy na laging kaeksena ni Eunice sa pelikula na mapapanood na sa mga sinehan very soon?
“So far okay naman po, she’s like a little sister kasi mas matanda po ako sa kanya pero hindi rin naman nagkakalayo yung mga hilig namin kaya hindi po kami nahirapang mag-shooting na naka-lock in.”
***
FIRST time naming napanood sa isang full-length film si RK Bagatsing at pinabilib niya kami hindi lamang sa acting niya kundi pati na rin sa rehistro niya sa screen sa Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko.
Masarap panoorin si RK na fresh at malinis ang itsura sa big screen, bukod pa sa husay niya sa mga eksenang kumakanta siya bilang Rey Valera sa pelikula.
Isa pang napuri namin sa movie ay si Eric Nicolas na gumanap bilang si Rico Puno, kaya naman pagkakita namin sa kanya matapos ang celebrity screening ng pelikula ay nilapitan nain siya at nag-congratulate kami sa husay niyang gayahin ang yumaong iconic singer.
Nakita naman namin ang batambatang Sharon Cuneta kay Shira Tweg (ang Bubble Gum Pop Princess); Sharon na Sharon ang kanyang facial expression at galaw sa pelikula.
Ginanap ang screening ng Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko sa Cinema 5 ng Gateway Mall nitong Sabado, March 25. All in all ay maganda ang pelikula ng Saranggola Productions na Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko
Bukod kina RK, Eric at Shira ay nasa Kahit Maputi Na Ang Buhok ko sina Rosanna Roces, Aljur Abrenica, Gardo Versoza, Meg Imperial, Dennis Padilla, Gelli de Belen, Ariel Rivera, Ronnie Lazaro, Ara Mina, Arlene Muhlach, Epy Quizon, Ricky Rivero, Mike ‘Pekto’ Nacua, at ang mag-amang Christopher de Leon at Lotlot de Leon with matching first onscreen appearance ng mister ni Lotlot na si Fadi El-soury.
Sa direksyon ni Joven Tan, highly recommended namin ang Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko na ipalalabas sa mga sinehan simula April 8 bilang bahagi ng very first Metro Manila Summer Film Festival.