Advertisers
SASAMANTALAHIN ng pamahalaan ang pitumpu’t dalawang oras na tigil-putukan para mailikas ang mga Pilipino na naiipit sa kaguluhan sa Sudan.
Ginawa ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang pahayag matapos makipagpulong sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND) hinggil sa sitwasyon sa hilagang bahagi ng Africa, partikular kung paano mapapauwi sa bansa nang ligtas ang mga Pinoy doon.
“Right now, we are hoping that the 72-hour ceasefire that has been declared will hold and we will — we are preparing ourselves,” wika ng Pangulo.
Maliban dito, sinabi ng Presidente na pangungunahan ni Migrant Workers Secretary Susan Ople ang repatriation efforts habang umiiral ang ceasefire.
“Mailabas natin ang mga tao natin. So that’s what we’re working on now. Ang mahirap is that even the land routes are not completely safe. As yet, ‘yung mga airport binomba pa, hindi talaga magamit. So we are still trying to find alternative ways,” ayon pa sa Presidente.
Bagama’t sa orihinal na plano ay sa Cairo, Egypt idadaan ang mga Pinoy, sinabi ni PBBM na tinitingnan din ang Saudi Arabia at Djibouti sa East Africa bilang exit points ng mga ito.
Matatandaang inanunsiyo ng US na nagdeklara na ng pitumpu’t dalawang oras na ceasefire ang mga nagbabakbakang grupo sa naturang bansa. (GILBERT PERDEZ)