Advertisers
PINANGALANAN ng mga suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ang magkapatid na Teves bilang utak ng krimen, ayon sa abogado ni Degamo nitong Martes.
“Ang masterminds dito ang sinasabi nila ‘yung magkapatid, si Congressman (Arnulfo) Teves at tsaka si (former Negros Oriental Gov.) Henry Teves,” pahayag ni Levi Baligod, abogado ng pamilya Degamo.
Isa sa mga suspek na nagturo sa Teves siblings ay si Nijel Electona, pinuno ng security ng HDJ Bayawan Agri-Ventures Corporation na ang bahagi ay pagmamay-ari ni dating Gov. Teves. Siya ang nangangasiwa sa safe house, pagkain, at pera ng shooters, sabi ni Baligod.
Sinabi rin ng abogado na natukoy nila ang indibidwal na nag-deploy sa informants para magtrabaho sa loob ng tahanan ni Degamo.
Ang isa pang suspek ay si Marvin Miranda, ang namahala sa pagbili ng mga armas at pag-recruit ng assassination team.
Sinabi ni Baligod na ayaw makipagtulungan ni Miranda sa mga awtoridad.
Parehong itinanggi ng magkapatid na Teves ang pagkakasangkot sa pagpatay kay Degamo.
Hindi parin bumabalik si suspended Rep. Teves, na tinawag na “executive producer” ng krimen, sa bansa dahil sa umano’y banta sa kanyang seguridad matapos tumulak sa United States para sa medical purposes bago pinaslang si Degamo. Napaso ang kanyang travel authority mula sa Kamara noong March 9.
Samantala, dumadalo naman si dating Gov. Teves sa committee hearings na isinasagawa ng Senado hinggil sa pagpatay kay Degamo at iba pang pagkitil sa Negros Oriental.
Sa kabuuan, 10 suspek ang hawak ng mga awtoridad. Isa sa kanila ang napatay sa engkwentro ng mga pulis nang lumaban ito nang aarestuhin.
Sumailalim na ang anim sa inquest proceedings, habang kamakailan ay sumailalim ang iba sa preliminary investigation, sabi ni Baligod.