Advertisers
KUMULEKTA si Stephen Curry ng 32 points tampok ang limang three-point shots sa 126-125 wagi ng nagdedepensang Golden State Warriors laban sa makulit na Sacramento Kings para ipantay ang serye sa 2-2.
Nagdagdag ng 26 puntos si Klay Thompson para sa pagbangon ng Golden State mula sa 0-2 pagkakabaon ng Sacramento sa kanilang Western Conference first-round series.
Umiskor si Jordan Poole ng 22 points habang nagrehistro si Andrew Wiggins ng 18 points, 8 rebounds at 4 blocked shots para sa Warriors.
Naimintis ni Harrison Barnes ang pang-panalo sanang three-pointer sa pagtunog ng final buzzer sa panig ng Kings na nakahugot kay De’Aaron Fox ng 38 points, 9 rebounds at 5 assists.
Ang triple ni Fox sa huling 28.7 segundo ang nagdikit sa Sacramento sa 125-126 kasunod ang mintis na 16-foot jumper ni Curry sa posesyon ng Golden State.
Inipit nina Curry at Green si Fox kaya ipinasa nito ang bola kay Barnes na naimintis ang potensyal na game-winning triple.
Sa New York, umiskor si Jaylen Brunson ng 29 points at may 26 markers si RJ Barrett sa 102-93 paggupo ng Knicks sa Cleveland Cavaliers at ilista ang 3-1 lead sa serye.
Sa Minneapolis, humataw si Anthony Edwards ng 34 points at kumolekta si Karl-Anthony Towns ng 17 points at 11 rebounds sa 114-108 overtime win ng Minnesota Timberwolves sa Denver Nuggets para sa 1-3 agwat sa serye.