Advertisers
Kasunod ng pagkawala ng kuryente na nagdulot ng mga abala sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City noong Araw ng Paggawa, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa mga kinauukulang awtoridad na seryosohin ang kanilang mga trabaho upang maiwasan na ang mga ganitong insidente sa nasabing paliparan bilang pangunahing gateway ng bansa.=
Sa panayam matapos tulungan ang mga residente sa Buruanga, Aklan, sinabi ni Go na dapat seryosohin ng pamunuan ng NAIA, gayundin ng Civil Aviation Authority of the Philippines, ang kanilang mga responsibilidad at tiyaking hindi na mauulit ang pagkawala ng kuryente na nangyari kamakailan.
“Paigtingin n’yo po ang inyong pagtatrabaho, dahil tuwing mayroon pong aberya – kahit isang oras na nagkakaroon ng power outage – domino effect ‘yan,” idiniin ni Go.
“Ang domino effect n’yan, talagang kawawa ang mga pasahero lalo na ang OFWs (overseas Filipino workers) natin. ‘Yung iba diyan, galing pa po ng probinsya, pupunta sa Maynila, mag-aantay ng dalawang oras. Eh, kapag na-delay, ang tanong diyan, babayaran ba ang rebooking nila dahil sa aberya?” idinagdag niya.
Ang outage na tumagal ng walong oras ay nangyari, eksaktong apat na buwan matapos ang katulad na insidente na naganap noon mismong Bagong Taon na humantong sa pagsasara ng airspace ng bansa.
Ayon sa mga ulat, hindi bababa sa 9,391 pasahero ang naapektuhan dahil ilang flight ang nakansela o naantala dahil sa insidente.
Iginiit ni Go na ang gobyerno ay dapat kumilos upang matiyak na ang pamamahala sa paliparan ay maayos at nakahanda sa mga ganitong sitwasyon.
“Tayo pong nasa gobyerno, ayusin po natin ang ating trabaho. Nananawagan po ako, sana po maiwasan ‘yung ganitong aberya,” anang senador.
Binigyang-diin din niya na sa panahon ng administrasyong Duterte, mahigit 200 airport projects ang natapos at binigyang prayoridad ang mga paliparan sa Bicol, Cebu, at Aklan.
Ani Go, kinakailangan ang mas maraming contingency plan, kabilang ang pagkakaroon ng backup power at mga pasilidad para ma-accommodate ang mga stranded na pasahero.
“Nakikiusap po ako sa management ng NAIA, kapag may ganung aberya, dapat ready agad ang Plan B. Nandiyan ‘yung reserved power ninyo, at asikasuhin n’yo po ang mga pasahero,” aniya.
“Dapat may pagkain, mayroon silang matitirahan muna at komportable naman na hindi lang nakahiga sa gilid,” anang mambabatas.