Advertisers

Advertisers

PARI NA NANGUTYA NG ‘BIRHEN’ PINAAARESTO NG KORTE

0 293

Advertisers

MATAGAL ko nang naririnig ang tungkol sa mga “Aparisyon sa Lipa” o ang napabalitang serye ng 19 beses na pagpapakita raw ng Birheng Maria kay Teresita Castillo sa kumbento ng mga Carmelita sa Lipa, Pilipinas noong 1948.

Nabatid na bago raw nagpakita sa kanya ang Birhen, una niyang nakaengkuwentro si Satanas na sinasabing nangyari noong Hulyo 31, 1948, bandang 8:15 ng gabi.

Nangyari iyon, wala pang isang buwan magmula nang pumasok sa kumbento si Teresita.



Ilang beses daw siyang dinalaw ni Satanas para mapilitan siyang lumabas ng kumbento.

Hindi nagpatinag si Teresita sa kabila ng masangsang na amoy na kaakibat daw ng pagdalaw ni Satanas.



Gayunman, kabaligtaran naman daw ito sa tuwing nagpapakita ang Birhen, na nagsimula noong Agosto ng taon ding iyon, kung saan laging nag-uumapaw sa paligid ang halimuyak ng rosas.

Subalit may isang pari na hindi naniniwala rito at kinutya pa raw ang Our Lady Mary Mediatrix of All Grace.



Kaya nakatikim tuloy siya ng demanda at umabot na ito sa korte.

Katunayan, naglabas ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 81 laban kay Fr. Winston Cabading ng Archdiocese of Manila Office of Exorcism dahil daw sa pangungutya, malisyoso, at mapanirang mga pahayag laban sa Birhen.

Sa kautusan ni Presiding Judge Madonna Echiverri ng QC RTC, inaatasan nito ang mga awtoridad na arestuhin si Fr. Cabading makaraang makakita raw ng sapat na batayan sa kasong paglabag sa Article 133 ng Revised Penal Code o offending religious feelings laban sa akusado na nag-ugat sa inihaing reklamo ni dating Sandiganbayan Associate Justice at ex-Commission on Elections Chairman Harriet Demetriou sa piskalya.

Base sa demanda ni Demetriou, nakita raw sa isang video si Fr. Cabading na tila pinagtawanan ang pag-ulan ng mga talutot ng rosas at ang pagkakaroon ng langis sa imahen ng Birhen habang kinutya rin daw ng pari sa isang conference ang mga aparisyon ni Maria.

Kasama sa mga tinukoy ng dating mahistrado ang pambabatikos daw ni Fr. Cabading sa serye ng pagpapakita ng himala ng Birhen na nasaksihan ng ilang madre at nakasaad pa raw sa lecture ng pari na pinamagatang “Basic Catholic Theology on Angels and Demons, Angels in Christian Life.”

Ngayon, malapit nang makamit ni Demetriou at ng iba pang deboto ang hustisyang isinisigaw nila.

Masasabing tama si Demetriou dahil hindi lang ang Our Lady Mary Mediatrix ang kinutya at hinamak daw ng pari, kundi maging ang iba pang mga deboto nito.

Giit nga ng dating Sandigan justice, ‘notoriously offensive’ daw ang pagtawag ni Fr. Cabading sa Mediatrix of All Grace bilang ‘demonic’ o may sa demonyo.

Samantala, suportado ni Fr. Pio Aclon, isang pari mula sa Borongan, Samar, ang pagsasampa ng kaso ni Demetriou laban kay Fr. Cabading.

Kahanga-hanga aniya ang pagtindig ng dating mahistrado para sa Birhen, gayundin sa mga walang tinig at walang kalaban-labang mga deboto.

Aabot naman sa P18,000 ang itinakdang piyansa ng hukuman para sa pansamantalang paglaya ng nasabing pari.

***

Katuwang ang ilang generous sponsors, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa IZTV Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Salamat po at stay safe!