Advertisers
NAGPASALAMAT ang Filipino journalist at broadcaster na si Thelma Dumpit-Murillo sa mga nakiramay sa kanilang pamilya sa pagpanaw ng kanyang ama na si dating La Union Congressman Tomas Dumpit.
Sa panayam ng inyong lingkod kay Dumpit-Murillo, sinabi ng beteranang mamamahayag na taos-puso at nag-uumapaw ang pasasalamat niya sa lahat ng nagparating ng pakikiramay sa pagyao ng retiradong brigadier general ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi ni Dumpit-Murillo na hindi kayang suklian ng salita ang kabutihang ipinadama ng mga kaibigan, kamag-anak, sundalo, opisyal at government officials sa pamilya nila sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.
Kabilang sa mga pinasalamatan ni Dumpit-Murillo ay ang ALC Group of Companies sa pangunguna ng chairman nitong si Boss Edgard Cabangon, Ma’am Sharon Tan, at ang kanilang buong pamilya.
Ayon kay Dumpit-Murillo, hindi nila malilimutan at laging aalagaan ang pagmamahal na ipinadama sa kanila sa pagpanaw ng kanyang ama.
Habang isinusulat ito, ang labi ni Dumpit ay kasalukuyang nakaburol sa Heritage Park na halos katabi lang din ng burol ni dating Sen. Rodolfo “Pong” Biazon.
Si Dumpit, 90, ay pumanaw noong Hunyo 11 habang iginupo naman ng pneumonia si Biazon, 88, noong Araw ng Kalayaan, Hunyo 12.
Ayon kay Dumpit-Murillo, ang kanyang ama at ang dating senador na si Biazon ay sabay ding ihahatid sa huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani sa darating na Martes, Hunyo 20.
Kami po, sa POLICE FILES TONITE, DWIZ at ALIW 23, ay nakikiramay din po sa inyong pagdadalamhati!
Samantala, tuloy-tuloy ang anti-smuggling program ng administrasyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Bureau of Customs Spokesperson Vincent Philip Maronilla, ngayong nangangalahati pa lamang ng taon ay nakasabat na ang BOC ng mahigit P20 bilyong halaga ng mga puslit na produkto na bahagi raw ng anti-smuggling initiative ng gobyerno.
Bilang pagtalima raw sa direktiba ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, sunod-sunod ang kanilang operasyon sa mga paliparan at daungan laban sa mga pumapasok na ipinagbabawal na droga, agricultural products at iba pang mga produkto na nakasasama o nakasisira sa industriya at sa ating ekonomiya.
Bukod pa rito, nagdodoble-kayod din daw ang ahensya upang matupad ang pangako nitong aabutin ang collection target ngayong taon.
Aba’y nariyan din naman ang BOC CARES o Customer Assistance and Response Service na layuning tugunan ang mga pangangailangan at iba pang concerns ng publiko.
Kung hindi ako nagkakamali, nasa pitong taon na ang CARE system at dahil daw sa epektibong sistema nito, taon-taon ay nakakakatanggap sila ng pagkilala mula sa iba pang mga sangay ng gobyerno.
Maganda rin daw ang nakuhang feedback ng care system kasunod ng pag-aaral ukol dito, katuwang ang ilang ahensya, tulad ng Anti-Red Tape Authority (ARTA), Presidential Complaint Center at international organization.
Nawa’y magpapatuloy ito at hindi ningas-kugon lamang.
***
Katuwang ang ilang sponsors, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Salamat po at stay safe!