Advertisers
BINARIL ang isang taxi driver nang tanggihan isakay ang isang senior na pasahero sa Quezon City, Miyerkoles ng hapon.
Naganap ang insidente sa Mindanao Avenue kungsaan pumara ng taxi ang pasaherong si Dionisio Trube, Jr, 64 anyos, ng Barangay Sinipit, Bongabon, Nueva Ecija.
Magpapahatid sana si Trube sa Cubao, subalit tumanggi ang driver na nakilalang si Daniel Tranquina. Dahilan para paghahampasin ng pasahero ang taxi.
“Dahil ‘dun, lumabas po ‘yung victim at in-approach ‘yung suspek, (tinanong) bakit hinampas ang kanyang taxi. Iniisip ng salarin na nagti-threat sa kanya ‘yung biktima natin. Naglabas na siya ng baril at pinutukan nga ang biktima,” paglalahad ni Lt. Colonel Richard Mepania, Project 6 Police Station 15 commander ng Quezon City Police Disrict (QCPD).
Nasaksihan ng traffic enforcers ang insidente, at humingi ng saklolo sa mga pulis matapos barilin ang taxi driver sa dibdib.
Naaresto si Trube, na nakuhanan ng loaded caliber 357 revolver.
Sa inisyal na imbestigasyon, lisensyado ang baril at may permit to carry firearms outside residence ang salarin.
Inamin naman ng salarin ang pamamaril sa driver. Aniya, self-defense lamang ang kanyang ginawa. “Nung kinalampag ko, bumaba siya. Susugurin niya ko. Eh, nagulat ako nung susugurin ako, nabigla din ako sa kanya, ewan ko. Sana nga papuputukan ko lang siya, tinamaan naman pala,” ayon sa matanda.(ERNIE DELA CRUZ)