Advertisers
ARESTADO ang isang Filipino-Indian national na umano’y big time gunrunner na nahulihan ng matataas na kalibre ng mga baril at pampasabog sa isinagawang pagsalakay ng pinagsanib na puwersa ng pulisya sa Dasmarinas City, Cavite, Huwebes ng hapon.
Sa report kay Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director Brigadier General Romy Caramat, kinilala ni Colonel Nilo Briones, hepe ng CIDG-South Sector, ang suspek na si Amith Chandiramani y Poem, 39 anyos, ng Phase 2, Amore Portifino St, Barangay Salawag ng nasabing lungsod.
Kaugnay nito, inaalam ng pulisya kung si Chandiramani ay miyembro rin ng isang terrorist group dahil sa mga nakuhang matataas na kalibre ng baril mula sa kanya.
Ang pag-aresto kay Amith ay resulta ng inilunsad ng PNP na ‘Oplan Paglalansag Omega’ na may layuning puksain ang pagkalat ng mga hindi lisensiyadong baril sa bansa.
Sa bisa ng search warrant (SW No. 2023-09 and 2023-08) na ipinalabas ni Judge Charito Macalintal-Sawali ng Tanauan City Regional Trial Court, Branch 66, ang mga elemento ng CIDG-South kasama ang Special Action Force at Cavite Police Provincial Office ay nagkasa ng operasyon upang halughugin ang bahay ni Chandiramani 5:20 ng hapon ng Huwebes.
Nakuha sa bahay ng Fil-Indian ang mga sumusunod: isang 9mm BCG Prosx (SN 315267); isang magazine ng caliber 9mm; 6 bala ng 9mm; isang Colt M4 Carbine 5.56mm (SN LE107231); 2 magazines ng M4 Carbine; 56 bala ng M4 Carbine 5.56; isang box na naglalaman ng 20 bala ng caliber .40; isang box na naglalaman ng 12 bala ng cal. 40; isang box na naglalaman ng 50 bala ng cal. 40; isang box na naglalaman ng 40 bala ng cal. 9mm; isang M26 fragmentation grenade; isang Copolla TR-12 12GA Shotgun (SN 112-H21YD001520); isang STI Duty One cal. 40 pistol (SN KF11098; isang Glock 21 Gen 4 cal .45 ACP pistol (AGMH057); at isang Glock 43 9mm pistol (SN AGSY091).
Ang pulisya ay gumamit ng bodycameras sa pagsalakay upang matiyak na naaayon sa itinatadhana ng batas ang operasyon nila.
Matapos basahan ng ‘Miranda doctrine,’ dinala sa SPD Headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig ang suspek kungsaan ito ikinulong, kasabay ng paghahanda ng kasong mga paglabag sa R.A. 9516 (Illegal Possession of Explosives) at R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Samantala, isang mapagkakatiwalaang source mula sa Camp Came ang nagsabing isang mataas na opisyal ng pamahalaan ang nagtangka arborin ang suspek, bagay na hindi pinagbigyan ni PNP Chief, General Benjamin Acorda, Jr.
Ang pangingialam ng naturang government official ay ipagbibigay-alam sa National Intelligence and Coordinating Agency (NICA) at sa Palasyo ng Malakanyang.
Hindi aniya dapat ito palagpasin ng pamahalaan, lalo’t bukod sa suspected bigtime gun runner, ang suspek ay masinsinan ding inaalam kung miyembro ba ito ng teroristang grupo na nagpaplanong maghasik ng lagim sa bansa.