Advertisers
HINDI na bago itong programang ‘Oplan Pag-abot’ ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na layong matulungan kuno ang mga nasa lansangan sa Metro Manila at hindi na bumalik pa ang mga ito.
Oo! Ang programang ito ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ay kapareho lang ng “Balik Probinsiya” na ginawa noong kasagsagan ng pandemya ng Covid-19 ng Duterte administration.
Daan daang milyong piso ang naubos noon ng DSWD sa programang ‘Balik Probinsiya’ na hindi naman nagbunga ng maganda. Nasayang lang ang taxpayers money. Dahil ang mga pinauwi ng probinsiya, ilang buwan lang ang nakalipas ay nagsibalikan sa Metro Manila. Wala nga kasing maayos na pagkakakitaan sa probinsiya. Gutom ika nga!
Tulad ng naging proseso sa ‘Balik Probinsiya’, ganun din ang ginagawa rito ngayon sa ‘Oplan Pag-abot’, kinausap at kinumbinsi rin ang mga pamilya na nasa lansangan na sumama sa DSWD para mabigyan sila ng livelihood opportunities sa oras na bumalik sila sa kani-kanilang probinsiya.
Kabilang sa mga ipinangkukumbinsi ni Gatchalian sa mga walang tirahan ay relocation aid, support packages, transitory shelter assistance at iba pa.
Ayon pa sa ahensiya, irerehistro sa biometric ang mga pamilya na nasa lansangan at iisyuhan ng kanilang identification cards.
Actually, maganda ang programang ito ni Gatchalian, pero sigurado akong masasayang lang dito ang taxpayers money tulad ng nangyari sa Balik Probinsiya program noon. Oo! tiyak na babalik at babalik parin ng Metro Manila ang mga pauuwiing nakatira sa lansangan. Kasi nga walang maayos na pagkakakitaan sa probinsiya lalo’t hindi sila marunong mangisda at walang lupa na masasaka. Mismo! Kung ang skilled workers, may sakahan at marunong mangisda nga nahihirapan sa buhay probinsiya, ito pa kayang mga pagpapalimos lang sa lansangana ang alam sa buhay?
Ang mabuti sigurong gawin ng DSWD sa mga taong lansangan ay tulungan sila magkaroon ng regular na trabaho sa mga govt. agency tulad ng pagwawalis sa kalye, janitorial, laborer at iba pang trabaho na hindi nangangailangan ng diploma at talento, at ibigay sa kanila ang mga bakanteng unit sa national housing na tinutubuan na ng mga damo.
At dapat magkaroon din ang DSWD ng maayos na programa sa livelihood sa mga probinsiya partikular sa mga liblib na bayan, para ang mga probinsiyanong walang wala ay hindi na pumunta ng Metro Manila para maghanapbuhay.
Yung bilyon bilyong pisong pondo para sa mga ayuda at feeding programs ilagay nalang ito sa livelihood. Turuan ang mga tao kung paano kumita ng tama, hindi yung sinusubuan nalang sila.
Say mo, Sec. Rex Gatchalian, Sir?
Let’s do it, Sec!