Advertisers
BINIGYANG pagkilala at papuri ng isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Office on the Protection of Minors (CBCP-OPM) ang inisyatibo ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na itatag ang ‘Mahalin at Kalingain ating mga Bata’ o ‘Makabata Hotline program’ laban sa Child Labor.
Sinabi ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, ng CBCP-OPM, malaking tulong ang programa upang mapaigting ang pakikiisa maging ng mga payak na mamamayan sa pangangalaga sa karapatan ng mga bata.
Ayon kay Mallari, sa tulong ng proyekto, mabilis na maipaparating sa DSWD at DOLE ang kaso ng ibat-ibang uri ng pang-aabuso sa mga batang dapat sana ay malayang nakakapag-aral.
“Nagpapasalamat ako sa mga nasabing DOLE & DSWD officials sa paglulunsad nila ng MAKABATA HOTLINE, ito ay napakalaking tulong upang matugunan kaagad ang mga pang-aabuso sa mga bata kahit sa ano mang paraan, sana ang mga concerned citizens ay makipagtulungan sa mga nasabing ahensiya upang maireport nila ang mang klaseng pang-aabuso na ginagawa sa mga bata,” bahagi pa ng mensaheng ipinadala ni Bishop Mallari sa church-run Radio Veritas.
Nabatid na sa tulong ng Makabata Hotline ay maaring isumbong ng mga concerned citizens sa DOLE at DSWD ang mga kaso ng child labor at child abuse sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa 0-9-6-0-3-7-7-9-8-6-3, 0-9-1-5-8-0-2-2-3-7-5 at email address na makabata1383@cwc.gov.ph. (ANDI GARCIA)