Advertisers
NASAWI ang 28-anyos na bading nang sakalin ng 16-anyos na estudyante na pinilit nitong makipag-sex sa kanya, itinapon ang bangkay sa bangin sa San Pascual, Batangas, Linggo ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Jake Pamudulan, empleyado ng Troy Daniel Trucking Service.
Matapos ang pagkawala simula noong Huwebes, natagpuan ng mga pulis ang bangkay ng biktima sa madamong bahagi ng bangin sa Brgy. del Pilar 12:40 ng umaga na naaagnas na.
Dahil sa pagiging minor, nasa kustodya ng Batangas Social Welfare and Development Office ang salarin na itinago sa alyas “Brix”, Grade 7 student ng Malaking-Pook National High School.
Ayon kay Corporal Kristian Joseph Gonzales, may hawak ng kaso, narekober nila ang bangkay ng biktima sa pamamagitan din ni Brix nang ituro nito ang lugar kung saan niya itinapon ito.
Naunang lumutang sa police station si Juven Pamudulan, kapatid ng biktima noong Sabado ng gabi at ini-report ang pagkawala ng kanyang kapatid nang hindi na umuwi sa kanila noong Agosto 3.
Nag-post ng larawan ng biktima ang kanyang mga kaanak at kaibigan sa social media kaugnay sa pagkawala nito, dahilan para lumutang si Brix sa isang barangay official sa Brgy. Pook ni Banal at sinabi niyang natagpuan niya ang motorsiklo ng biktima sa area ng Brgy. Del Pilar.
Sumailalim sa masusing pagtatanong ng mga pulis ang salarin, sa harap ng kanyang amang si Leoven Selorio, hanggang sa aminin na nito na napatay niya ang bading.
Ayon kay Brix, pinipilit siya ng biktima na magtalik sila, nagbunsod ng kanilang mainitang pagtatalo hanggang sa sakalin niya ito at mapatay at itinapon ang bangkay sa bangin 8:30 ng gabi ng Agosto 3.
Tumakas ang salarin gamit mismo ang motorsiklo ng biktima nang maitapon ang bangkay nito.
Ilang kilometro lang ang layo, inabandona ng salarin ang motorsiklo ng biktima sa may Brgy. Pook Na Banal nang naturang bayan.