Advertisers

Advertisers

Mayor at vice pinababa sa pwesto: Konsehal itinalaga bilang alkalde at VM sa Misamis

0 117

Advertisers

ITINALAGA bilang alkalde at pangalawang alkalde ang da-lawang konsehal sa isang bayan ng Misamis Occidental nang pababain sa pwesto ang mag-asawang sina Bonifacio, Misamis Occidental mayor Samson Dumanjug at Vice Mayor Evelyn Dumanjug noong Hulyo 30, 2023.

Tumatayo ngayon bilang acting mayor ng Bonifacio ang 1st councilor na si Ricky Bulahan at acting Vice mayor naman ang 2nd councilor Loloy Cuizon.

Nanindigan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ipinalabas nilang 2023 Suspension Order laban sa mag-asawang alkalde at bise alkalde.

Sa ilalim ng Administrative Order 22 s. 2011, ang ‘suspension order’ ng Sangguniang Panlalawigan ay maaaring iapela sa Office of the President (OP) sa loob ng 15 araw mula nang ipalabas ang naturang kautusan, subali’t hindi umapela ang alkalde sa pag-aakalang tapos na ang kaso nitong kinasasangkutan.

Ang mag-asawang Dumanjug ay sinuspinde ng Sangguniang Panlalawigan ng Misamis Occidental simula Mayo 30 dahil sa “betrayal of public trust.”

“Ang 2023 Suspension Order laban kay Mayor Dumanjug ay naging pinal at executory. Further, there was no stay of execution issued by any proper office or court,” ayon kay Undersecretary Lord Villanueva.

Umalma si Mayor Dumanjug sa pag-isyu sa kanya ng nasabing kautusan dahil ginamitan umano siya ng pwersa ng mga pulis sa loob ng kanyang tanggapan hanggang sa humingi na ito ng tulong sa Senado at kamakailan lamang ay dininig ito.

Itinanggi naman ni Misamis Occidental provincial board member Eduardo Cebedo ang pagmamaltrato sa alkalde.