Advertisers
NAPAKATALAMAK na ngayon ang ilegal na online sabong. Hayagan na sila kung manghikayat ng mga mananaya sa social media. Mistula na silang ligal. Bakit kaya?
Paano kasi wala namang ginagawang hakbang ang Philippine National Police (PNP) Cyber Crime group. Dedma lang din kasi sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Department of Information, Communications and Technology (DICT) na silang inaatasan ng Executive No. 09 na sugpuin ang mga ilegal na online gambling partikular online sabong.
Hindi tuloy maalis sa atin magduda na baka may “timbre” ang mga online sabong na ito sa PNP gayundin sa taga-DICT at PAGCOR. Anong sa tingin ninyo, mga pare’t mare?
Pinaka-talamak ang e-sabong sa Southern Tagalog partikular sa lalawigan ng Laguna at Central Luzon – sa mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga at Tarlac na ino-operate ng DSC Online Sabong ng grupo nina Bryan, Toks, isang mataas na opisyal ng PNP, at isang kongresista.
Pero mas malawak ang operasyon nitong Online Sabong Worldwide kungsaan gumagamit pa ng mga mukha ng mga kilalang sabungero na sina Atong Ang, Chavit Singson, Patrick Antonio, at boksingro-politiko na si Manny Pacquiao.
Sa Visayas ay talamak din ang operasyon ng e-sabong lalo sa Bacolod at Negros. Mga politiko raw ang nasa likod. Araguy!!!
Kung talagang hahabulin ng PNP Cyber Crime Group at DICT ang mga operator ng ilegal na online sabong na ito, siguradong matutumbok nila lalo’t hayagan ang panghihikayat o advertisement ng mga ito sa Facebook. Mismo!
Kung kikilos din ang Department of Interior and Local Government (DILG) para masawata ang e-sabong ay magagawa nila. Dahil siguradong may mga alam ang barangay sa mga pinagdadausan ng e-sabong, na nag-ooperate mula 8:00 ng umaga hanggang 2:00 ng madaling araw.
Oo! Imposible kasi na hindi manlang mapansin ng mga barangay ang pagdala ng maraming manok araw-araw sa pinagdadausan ng sabong kahit sa farm pa yan ng operators. Kaso nabubusalan din ang barangays dahil sa “timbre”. You know!
Siguro dapat i-remind ni PBBM sa mga awtoridad ang kanyang EO No. 09, na nagmistula nalang kapirsong papel na ‘di sinusunod ng mga awtoridad at pinagtatawanan ng mga sindikato sa e-sabong. Mismo!!!
Or gawin nalang legal ang e-sabong para makinabang din ang gobyerno sa daan daang milyong pisong kinikita sa naturang sugal.
Say nyo, mga pare’t mare?
***
Bilib ako rito kay retired police general ngayo’y kinatawan ng Antipolo sa Kongreso na si Romeo Acop.
Napanood ko ang istelo ng kanyang mga pagtatanong sa mga pulis na iniimbestigahan sa Kongreso dahil sa mga iregularidad. Huling huli niya ang pagsisinungaling ng resource persons.
Ang katulad ni Acop ay dapat i-level up, dalhin na sa Senado sa 2025, palitan ang mga bugok na senador na nagkakalat lang sa mga ginagawang imbestigasyon. Mismo!
Keep it on, Rep. Acop!
***
Inamin ni Pangulong Marcos Jr. sa ASEAN leaders sa Indonesia na MALABONG makamit ang kapayapaan sa pinagtatalunang karagatan sa West Philippine Sea dahil sa pagiging agresibo ng China. Period!