Advertisers
Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang agarang aksyon ng mga kinauukulan upang mapigil ang lumolobong bilang o kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa Pilipinas.
Nanawagan ang senador sa Department of Health (DOH) na palakasin nito ang kampanya upang matugunan ang nasabing public health issue.
“Huwag tayong maging kampante sa harap ng lumalaking krisis na ito,” sabi ni Go.
“Mahalaga na palakasin ng DOH ang kanilang mga programa upang pigilan ang pagkalat ng HIV at magbigay ng kinakailangang suporta sa mga apektado,” idinagdag ng senador.
Hinimok din ni Go ang mga indibibwal na posibleng nagtataglay nito na hingin ang tulong ng gobyerno at tulungan ang sarili na makakuha ng free diagnosis at medications na naaangkop.
“I urge all potentially affected individuals to take advantage of the government’s free diagnosis and medication programs. Your health is our priority,” ayon kay Go.
Ginawa ni Sen. Go ang mga panawagang ito kasunod ng report ng advocacy group LoveYourself Inc., na ang kawalan ng kamalayan sa nasabing nakamamatay na sakit ang siyang nananatiling malaking factor sa paglobo ng bilang ng HIV cases sa bansa.
Nito lamang May 2023, iniulat ng DOH ang 1,256 bagong kaso ng HIV, kung saan ang 32% ay kinasasangkutan ng mga indibidwal na edad 15-24. Sa kasalukuyan, ang kabuuang bilang ng may HIV sa bansa ay umaabot na sa 116,504 simula noong January 1984.
“In these trying times, it’s the youth who are most vulnerable. Dapat nating i-focus ang ating mga pagsisikap sa pagtuturo sa kanila, dahil sila ang kinabukasan ng ating bansa,” sabi ni Go.
Si Go, chairperson ng Senate committee on health ang isa sa proponent sa pagpapalaki ng pondo para sa health programs ng gobyerno. Naging instrumento rin siya para itaas ang budget sa pagkontra sa HIV at iba pang sexually transmitted infections. Ang budget ng DOH para lamang sa layuning ito ay tumaas mula P590,594,000 noong 2022 tungo sa P1,433,664,000 ngayong 2023.
“Sa tulong ng dagdag na budget, mas malawak ang ating maaabot at mas kumpletong serbisyo ang maibibigay sa mga Pilipino,” ani Go.
Bukod dito, itinaas din ng Sendo ang budget ng Philippine National AIDS Council (PNAC) sa P52,000,000 mula P43,000,000 sa 2023 General Appropriations Act.
“We’re not just throwing money at the problem. We’re investing in solutions. The additional funding for PNAC will go a long way in supporting community-based initiatives and public awareness campaigns,” anang mambabatas.
Ang hakbang na pampinansyal na suporta ay layong palakasin ang komprehensibong programa na kinabibilangan ng awareness campaigns, free testing, at medication sa apektadong indibidwal.
Sinabi ni Go na habang ang gobyerno ay aktibong nagpapatupad ng mga hakbang upang matugunan ang isyu, ang lahat ay dapat magtulungan sa pag-aambag ng makabuluhang solusyon.