Advertisers
SINAMPAHAN ng kasong disqualification sa Commission on Election (COMELEC) ang tumatakbong Punong Barangay at mga Kagawad sa halalang pambarangay sa Barangay San Bartolome sa Quezon City dahil umano sa paglabag sa premature campaigning at umano’y vote-buying isyu.
Sa reklamong inihain ng mga complainant na sina Jon Jon Francisco, Pedro Villanueva at Cora Cuadra sa COMELEC, hiniling nila na mapatawan ng diskuwalipikasyon sina Francisco Delfin, Jr., Lovely Capiral, Napoleon Ocampo, Dondon Elman, Kyle Bigcas, Jun Coronado, Ron Espiritu at Jesus Lomboy, kandidato sa pagka-Punong Barangay at mga Kagawad ng Brgy. San Bartolome.
Ayon sa reklamo ang mga kinasuhan ay tahasan umanong lumabag sa kautusan ng COMELEC sa paglalagay ng campaign materials o mga tarpaulin bago pa ang itinakdang araw ng pangangampanya at kahit ang mga ito ay nakapaghain na ng kanilang Certificate of Candidadcy.
Kaugnay nito ang mga larawang isinumite bilang ebidensya sa mga nagkalat na campaign materials sa maraming lugar sa nasabing barangay ay kabilang sa mga ebidensyang isinumite sa Comelec.
Nabatid pa sa reklamo na maliban sa mga pagpapakalat ng campaign posters, nakita rin ang mga ito na namimigay ng mga gamit pambahay, tulad ng aparador, kama, dining table at iba pa, na isang tuwirang paglabag sa “Kontra Bigay” at “Vote-Buying” na nakapaloob sa Omnibus Election Code at Comelec Resolutions.
Samantala sa isang Facebook Post ng isang residente sa San Bartolome na nai-share ni Francisco Delfin, Jr. noong September 25, 2023, makikita na dumadalo si Delfin sa isang pagtitipon kasama ang mga kabataan at nakalagay sa “caption” – “siya ang taong hindi napapagod gumawa ng mabuti at tumulong sa kapwa” – Kagawad Delfin, Jr. Future Kapitan ng San Bartolome”.
Kaugnay nito batay sa Section 80 ng Omnibus Election Code o Partisan Political Activity Outside Campaign Period, malinaw umano na nilabag ng grupo ni Delfin, Jr. ang nasabing batas at resolusyon ng COMELEC sa “Kontra Bigay” ukol naman sa pamimigay at pagpapakain ng grupo sa mga botante ng naturang barangay.
Bunsod nito hiniling din nila Francisco, Villanueva at Cuadra sa COMELEC na bigyang desisyon ang kanilang inihaing reklamo bago pa ang eleksyon sa Oktubre 30. Sakaling pagbigyan ito ng Comelec, posible umanong hindi na maaaring tumakbo bilang Punong Barangay si Francisco Delfin, Jr. at mga Kagawad nito na sina Lovely Capiral, Napoleon Ocampo, Dondon Elman, Kyle Bigcas, Jun Coronado, Ron Espiritu at Jesus Lomboy. Hindi na rin sila papayagang tumakbo sa mga susunod na halalan.(Boy Celario)