Advertisers
SIYAM na senador ang gusto ibalik ang P625 million confidential funds ni Vice President Sara Duterte sa kabila ng desisyon ng House of Representatives na ilipat ang naturang pondo sa ibang government agencies na may mandato pangalagaan ang seguridad ng bansa.
Si VP Sara ay inalisan ng P500 million confidential funds ang kanyang Office of the Vice President, at P125 million bilang Department of Education (DepEd) Secretary.
Ang mga senador na pabor ibalik ang confi funds ni VP Sara ay ang kanilang kaalyado na sina Robin Padilla, Christopher “Bong” Go, Ramon “Bong” Revilla Jr., Ronald “Bato” Dela Rosa, Jinggoy Estrada, Lito Lapid, Francis Tolentino at Cynthia Villar.
Sinabi naman ni Senator Pia Cayetano na susuportahan niya ang pagbalik sa confidential funds ni VP Sara kung maipaliwanag ng huli ang paggagamitan.
Kontra naman sina Senador Sonny Angara, Francis Escudero, Raffy Tulfo, Aquilino Pimentel, at Risa Hontiveros.
Sinimulan ng Senado ang deliberasyon ng proposed P5.768-trillion national budget nitong Martes (November 7), kungsaan si Angara, ang Senate Finance Committee Chairman, ang nag-i-isponsor sa General Appropriations Bill sa floor.
Ang alokasyon ni VP Sara ay bahagi ng P1.2 billion confidential funds na ni-realigned ng House sa mga ahensiya na nakatuon sa West Philippine Sea.
Kabilang sa mga tanggapan na makikinabang sa realignment ang National Intelligence Coordinating Agency, National Security Council at Philippine Coast Guard.