Advertisers
ANG pamahalaang lungsod ng Maynila ay naglabas na ng ipinatutupad nilang bagong standard fare matrix para sa mga pumapasadang tri-wheel vehicles sa lungsod.
Sa isang transportation advisory na ipinaskil sa Facebook nitong Lunes, inianunsiyo ng Manila Public Information Office (MPIO) na pinamumunuan ni Atty. Princess Abante, na siya ring tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, ang pagpapatupad ng flat rate na P16 kada pasahero para sa mga tricycle at mga pedicab para sa unang isang kilometrong biyahe.
Magpapatupad naman ng karagdagang P5 para sa bawat susunod na 500 metro.
Samantala, flat rate naman na P20 kada pasahero ang itinakda para sa mga e-trikes, sa loob ng inaprubahan nitong ruta.
Sinabi ng Manila PIO, na ang bagong fare matrix ay naging epektibo na noong Oktubre 25.
Kaugnay nito, nagpaalala rin ang Manila PIO na ang mga lalabag sa ordinansa ay maaaring maharap sa kaukulang parusa.
Para sa unang paglabag, ang violator ay pagmumultahin ng P1,000 at iisyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR) para sa Code 43 ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) fines and penalties, at paglabag sa Traffic Management Code of Manila.
Para sa ikalawang paglabag, ang violator ay papatawan ng tatlong araw na impoundment ng unit, P1,000 multa na may issuance ng OVR para sa Code 43 ng MTPB fines and penalties, at paglabag sa Ordinance Number 8092.
Para sa ikatlong paglabag, ang violator ay papatawan ng pitong araw na impoundment ng unit, P1,000 multa na may issuance ng OVR para sa Code 43 ng MTPB fines and penalties, at paglabag sa Section 104-C ng Ordinance Number 8092.
Para naman sa ikaapat na paglabag o mga habitual violators, ang violator ay kakanselahan ng permit, akreditasyon at prangkisa.
Kaugnay nito, pinayuhan ng lokal na pamahalaan ang mga pasahero na huwag magdalawang-isip na kaagad na ireport ang mga drivers na maniningil sa kanila ng labis na pasahe.
Kailangan lamang ng mga ito na kunin ang pangalan ng driver, numero ng sasakyan at ruta nito, at saka isumite ito sa Facebook page ng Tri-wheel Management Unit Office ng MTPB o di kaya ay mag-email sa TMUManila@gmail.com. (ANDI GARCIA)