Advertisers
NASA kamay na ng Tacloban City Police Station ang tatlong salarin sa brutal na pagpatay sa isang high school teacher na natagpuang tadtad ng saksak at ginilitan pa ang leeg sa isang bahay sa Tacloban City, Leyte nitong Sabado.
Sinampahan ng kasong ‘Robbery with Homicide’ sa Office of the Prosecutor sa Tacloban ang mga salarin na kinilalang sina Mark Justine Conde, 23 anyos; Yasse Ivan Yu, 18; at Darwin Versoza, 18, pawang residente ng Barangay 68, Anibong, Tacloban.
Naaresto ang mga salarin nang ituro ng isang testigo na may kagagawan sa pagkatay sa guro na si Bernabe Basiano, 39, ng Antonio Balmes National High School.
Natagpuan ang bangkay ni Basiano na naliligo sa sariling dugo habang may laslas ang leeg at tadtad ng saksak sa katawan 3:25 ng hapon sa loob ng bahay sa Knightsbridge Village, Brgy. 98-Camansihay.
Sa imbestigasyon, nabatid na sa isang madamong lugar isinagawa ng mga salarin ang krimen.
Balak lang ng mga salarin na holdapin ang biktima sa isang lugar subali’t pumalag ito kaya nasaksak at nang mapatay dinala ang bangkay sa bahay na kinatagpuan dito upang maitago ang krimen.