Advertisers
MAGSASAGAWA ng nationwide motor vehicle registration caravan ang Land Transportation Office (LTO) sa mga susunod na araw para maiparehistro ang nasa 24.7 milyong sasakyan na hindi rehistrado.
Sinabi ni LTO chief Atty. Vigor Mendoza, isasagawa ang caravan base na rin sa utos ni Transportation Secretary Jaime Bautista na palakasin pa ang implementasyon ng “No Registration, No Travel” policy.
“Sa level ng barangay ay madali ng malalaman ng ating mga opisyales ng barangay kung sino-sino at ilan sa kanilang mga constituents ang hindi rehistrado ang mga motorsiklo at mga sasakyan. Kaya tayo po ay hihingi ng tulong sa kanila tungkol dito,” ani Mendoza.
“Sa pagsasagawa ng motor vehicle registration caravan, ipinapakita namin sa LTO na hindi lang kami puro enforcement. We will be going to bring the services of the LTO closer to our clients,” sinabi pa ni Mendoza.
Napag-alaman na ang Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon regions ang nakapagtala ng may pinakamaraming sasakyan na hindi rehistrado.