CAMILLE VILLAR, ISINUSULONG ANG ‘SAFE ONLINE SPACES BILL’ PARA PROTEKTAHAN ANG KABATAAN SA GITNA NG KARAHASAN SA MGA PAARALAN
Advertisers
Muling iginiit ni Senator Camille Villar ang pagsusulong ng panukalang Safe Online Spaces Act kasabay ng kanyang panawagan para sa mas matibay na proteksyon sa mga kabataang Pilipino, sa loob man ng paaralan o sa digital world, kasunod ng sunod-sunod na nakamamatay na insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga estudyante sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Hindi dapat pumapasok sa paaralan ang ating mga anak na nangangamba kung makakauwi pa ba sila nang ligtas. Ang paaralan ay dapat manatiling lugar ng pagkatuto, hindi lugar ng takot. Pero kailangan din nating kilalanin na ang mga impluwensyang nakakaapekto sa ating mga anak ay hindi na natatapos sa gate ng paaralan—sumusunod ito sa kanilang mga cellphone at sa mga digital space na araw-araw nilang ginagalawan,” ani Villar.
Sa gitna ng lumalaking pangamba sa karahasang kinasasangkutan ng mga kabataan, muling itinulak ni Villar ang Senate Bill No. 1729 o ang panukalang Safe Online Spaces Act, na naglalayong isulong ang responsableng paggamit ng social media, gaming at iba pang digital platforms, maglagay ng mga babala sa posibleng mapaminsalang online environments, at magpatupad ng mandatory parental awareness and information program tungkol sa mga panganib ng walang limitasyong access sa digital platforms.
Bilang bahagi ng mas malawak niyang pagsusulong para sa proteksyon ng kabataan, co-author din si Villar ng Senate Bill No. 2424, na naglalayong magtakda ng minimum age sa paggamit ng social media at regulahin ang access ng mga bata sa social media platforms. Ang panukala, na inisponsoran sa plenaryo ni Senator Robinhood Padilla nitong Miyerkules, ay bahagi ng legislative response ni Villar sa lumalaking panganib na kinakaharap ng mga bata, partikular sa kanilang exposure sa mapaminsala at marahas na online content. Binigyang-diin ni Villar na ang pagprotekta sa kabataan ay nangangailangan ng pagkilos hindi lamang sa loob ng paaralan, kundi maging sa mga digital space na may malaking impluwensya sa kanilang pag-uugali, pakikisalamuha at kapakanan.
Muling nanawagan si Villar kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18, kung saan isang estudyante ang binaril at napatay ng kapwa estudyante bago nito kitilin ang sarili nitong buhay. Iniulat din na nai-livestream sa social media ang insidente. Nangyari ito wala pang dalawang buwan matapos mapatay ang tatlong estudyante sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City at ilang linggo lamang matapos mapatay sa pananaksak ng kapwa estudyante ang labintatlong taong gulang na si Aaron Miguel Duran Ontong sa loob ng Las Piñas National High School.
Bukod sa mas mahigpit na online safeguards, nananawagan din ang senador para sa mas matibay na seguridad at emergency preparedness sa mga paaralan, mas madaling access sa mental health at guidance services, maagap na interbensyon laban sa bullying at marahas na pag-uugali, at mas mahigpit na mga hakbang upang hindi madaling magkaroon ng access ang mga menor de edad sa baril at iba pang mapanganib na armas.
Personal na nagtungo si Villar sa burol ni Ontong sa Las Piñas nitong Agosto at sinabi niyang hindi dapat hayaang mauwi lamang sa panandaliang galit at pagdadalamhati ang sunod-sunod na trahedya nang walang konkretong pagkilos.
“Bilang isang ina at mambabatas, patuloy akong magsusulong ng mga hakbang upang protektahan ang ating mga anak saan man sila naroroon—offline man o online. Ang pagprotekta sa ating mga anak ay nangangahulugang panatilihin silang ligtas sa loob ng paaralan, tulungan sila bago pa mauwi sa karahasan ang galit o mabigat na pinagdaraanan nila, at gawing mas ligtas ang mga digital space na araw-araw nilang ginagalawan,” ani Villar.