Advertisers
MARITES sa showbiz muna tayo mga ‘tol…
Trending nitong Huwebes ang pag-anunsyo ni Kathryn Bernardo, isa sa pinakasikat na Pinay teen actress sa bansa, sa breakup nila ng ka-level din niyang si Daniel Padilla.
Oo! Talagang umusok ang social media sa mga marites tungkol sa hiwalayang ito ng dalawang pinakasikat na mga batang artista sa Pilipinas. Kasi nga 11 years na ang kanilang relasyon tapos biglang gumuho…
Sabi ng mga marites: “Malamang may third party”. Hahaha…
Ayon naman sa reyna ng mga marites sa showbiz na si Cristy Fermin: “Mas maganda kasi kahit saang siliping anggulo si Andrea Brillantes kesa kay Kathryn…”
Ibig bang sabihin si Andrea ang third party sa nawasak na KathNiel? Hahaha…
Dahil sa trending breakup ng KathNiel, nadamay ang matagal nang nananahimik na hiwalayan ng mga sikat ding magsing-irog sa showbiz.
Naghiwalay na raw sina Kris Aquino at James Yap, at Carmina Villaroel at Rustom Padilla. Hahaha…
Si Kris ay may isang anak sa sikat na PBA player na si James Yap.
Si Carmina at Rustom naman na matagal ding nagsama ay naghiwalay dahil …hindi isinapubliko ni Carmina ang rason. Pero si Rustom ay umamin sa publiko na siya’y bading. Nagpalit pa nga ito ng pangalang “Baby Gandanghari”. Hahaha…
Si Rustom, nakatatandang kapatid ni Senador Robin Padilla, ay tiyuhin ni Daniel. Oh… ‘wag kayong mag-isip na kakulay ni Daniel si Uncle Rustom niya. Lalaking lalaki si Daniel, sabi ng kanyang fans. Hehehe…
Sa hiwalayang KathNiel, nadamay din ang “unity” nina Pangulong Bongbong Marcos at Bise President Sara Duterte-Carpio. Malamang daw na sila na ang sunod na maghiwalay. Araguy!!!
***
Now magseryoso naman tayo…
Halos wala nang natirang kongresista sa datung nangungunang partido ni dating pangulo Rody Duterte na PDP Laban, naglipatan nang lahat sa kampo ni House Speaker Martin Romualdez na Lakas CMD.
Ang pinakahuling mga mambabatas na sumakay sa bangka ni Romualdez ay ang pamilya Kho ng Masbate.
Pati local executives na Kho ay iniwan narin si Digong, sumampa nang lahat kay Romualdez.
Tuloy nagmukhang basang-sisiw ngayon ang PDP Laban, habang ang Lakas CMD ay mayroon nang 89 congressmen na kakampi narin ang Makabayan bloc.
Kaya malamang na may paglalagyan si VP Sara kapag ikinasa ang impeachment laban sa kanya, gayundin ang pag-apruba sa pagpasok ng International Criminal Court (ICC) prosecutors na nag-iimbestiga sa nangyaring walang humpay na patayan sa “pekeng” war on drugs ng nakaraang administrasyong Duterte. Abangan!