Advertisers
BUMULAGTA ang isang dating kasapi ng New People’s Army (NPA) nang pagbabarilin ng dating mga kasama niya sa kilusan dahil sa hinalang isang espiya ng militar sa Barangay Manapao, Gubat, Sorsogon.
Kinilala ang biktima na si Romel Hapa alyas “Ka Ian”, residente ng naturang lugar.
Wala pang inilabas na ulat ang Police Regional Office 5 at 9th Infantry Division ng Philippine Army kaugnay sa pamamaril sa dating rebelde. Pero agad inako ng guerilla front ng Sorsogon ang pamamaslang sa dati nilang kasamahan.
Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Samuel Guerero, pinatawan nila ng parusang kamatayan ng kanilang “Kangaroo Court” si Hapa dahil sa pagtataksil sa kilusan at pagpagamit bilang “spy” ng militar.
Naging kasapi si Hapa sa kilusan noong 2012 pero Hulyo,2022 ay sumuko ito sa 22nd Infantry Battalion ng Philippine Army at nagsilbing “guide” ng mga sundalo sa combat military operations.
Dinala ni Hapa sa kanyang pagsuko sa gobyerno ang dalawang M16-armalite rifle na pag-aari ng NPA at partido komunista ng Pilipinas, at ang ilan pang paglabag sa ilalim ng kilusan dahilan para patawan siya ng rebeldeng grupo ng parusang kamatayan.