Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
NAGKAROON ng eksena nang maging panauhin ni Ivana Alawi si Marian Rivera sa vlog niya.
Noong una, tuwang-tuwa si Ivana sa pagpapaunlak sa kanya ng Kapuso Primetime Queen.
Ayon sa sexy actress, certified faney daw siya ng Kapuso Primetime Queen.
Katunayan, noong wala pa raw siya sa showbusiness ay pinapanood na nito ang shows ng kanyang idol lalong-lalo na ang “Marimar.”
Sey pa niya, pangarap din daw niyang makatrabaho ang kanyang idolo.
Sa naturang tsikahan, nabanggit din ni Ivana na ang kanyang kapatid na si Mona ang naging tulay para makapag-guest ang aktres sa kanyang vlog.
Si Mona raw kasi ang nagkaroon ng pagkakataong makatrabaho ang nabanggit na A-lister ng GMA-7.
Sa guesting ni Marian, nag-tantrums siya na ikinataranta ni Ivana.
Hirit ni Marian, di raw niya type ang mukbang na inihain ni Ivana.
Sinita rin nito ang pagiging late ni Ivana sa kanilang appointment.
Sey pa ni Marian, sa lahat daw ng hate niya ay iyong pinaghihintay siya.
Tinarayan pa nito si Ivana at nag-walk out.
Nanginig naman si Ivana at naiyak sa pag-a-attitude ng misis ni Dingdong Dantes.
Buong akala talaga niya ay naimbiyerna sa kanya si Marian.
Sa huli, nalaman na lang niya na kinuntsaba pala ng kanyang mga kapatid na sina Mona at Hash si Marian para gawan siya ng prank.
Hindi rin natiis ni Marian si Ivana nang humihikbi na ito kaya niyakap ang YouTuber para i-anunsyong set-up lang ang lahat.
***
Balik sinehan ng MTRCB, nagbigay ng pag-asa sa pagbangon ng Pelikulang Pilipino.
SA layuning palakasin pang lalo ang industriya ng Pelikulang Pilipino, naglunsad ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), sa pakikipagtulungan ng Ayala Malls at sa Film Academy of the Philippines (FAP), ng “Balik Sinehan” event noong Pasko sa Trinoma Malls Cinema sa Quezon City.
Naghain si Njel De Mesa, ang Vice Chairman ng MTRCB na isa ring film producer, ng mahahalagang pananaw upang maibsan ang hamon ng pagbaba ng kita at kabawasan ng manonood sa sinehan bunsod ng popularidad ng mga streaming platforms.
“Hindi naman masama ang teknolohiya—ngunit sa pag-usbong ng mga streaming platforms, nagkaroon ng mas accessible at competitively-priced options ang mga manonood, naging mahirap para sa lokal na industriya ng pelikula pati na rin sa mga sinehan na makabangon pagkatapos ng pandemya. Kailangan nila ang ating tulong.”
Bukod sa pag-engganyo sa publiko na suportahan ang industriyang pelikula, inindorso rin ng MTRCB ang lineup ng pelikula sa ika-49 na Metro Manila Film Festival (MMFF). Binigyan ang mga manonood at miyembro ng media ng gabay hinggil sa edad ng mga pelikulang kasali ngayong taon, mula sa G (General Audience) hanggang sa Parental Guidance) at R-13 (Rated-13). Binigyang-diin din ng Board ang kahalagahan ng Responsableng Panonood.
“Iba pa rin ang saya ng panonood ng sine kasama ang pamilya at mga kaibigan, kaya’t narito ang MTRCB, FAP, Movie Workers Welfare (MOWELFUND), at Ayala Malls ngayong Pasko upang hikayatin ang lahat na dumalo at maranasan ang familial and communal experience na natatangi sa panonood ng pelikula sa malaking iskrin. Higit sa pagbibigay saya, tumutulong tayo sa pangangalaga sa ikinabubuhay ng mga nagtatrabaho sa industriya,” pahayag ni MTRCB Chairperson Lala Sotto.
Dumalo sina FAP Special Projects Officer Raymond Diamzon, FAP Admin Secretary Emilio “Toby” Dollete at Atty. Aundre Dollete, at mga artista mula sa NDM Studios na sina Shaneley Santos, Cheska Ortega at Ivan Padilla para suportahan ang MTRCB.
Pagkatapos ng “Balik Sinehan” event, sama-samang nanoood ng MMFF entries sina Sotto, De Mesa, at ang MTRCB Board Members na sina Atty. Cesar Pareja, Mark Andaya at Neal Del Rosario.