Advertisers
Ni NICK NANGIT
SA katatapos pa lamang na Metro Manila Film Festival (MMFF), humatak ng maraming premyo ang dalawang tila makasaysayang pelikula na ang tema ay tungkol sa kaparian. Ito ay ang GomBurZa at ang Mallari.
Pito ang napanalunang premyo ng GomBurZa (na sa kasawiang palad ay nabansagan pa ngang MaJoHa, kung inyong naaalala, ng kabataan sa isang reality show sa TV na nagbunyag at nagdadala rin ng kabobohan).
Nakamit nito ang Best Actor award para sa baguhang si Cedric Juan at Best Director para kay Pepe Diokno Bukod pa riyan, nanalo ang GomBurZa ng 2nd Best Picture, Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award, Best Production Design, Best Sound Design, at Best Cinematography.
Samantala, apat naman ang nakamit na premyo ng Mallari, kasama na ang Best Supporting Actor para kay JC Santos, 3rd Best Picture, Best Musical Score, at Best Visual Effects.
Ang Best Picture ay napunta sa Firefly na bagama’t nilangaw sa takilya ay dinumog naman sa ilang sinehan.
Congratulations!
Ang GomBurZa ay kuwento ng tatlong pari na umano’y nadawit sa tinatawag na Cavite mutiny laban sa mga mapang-aping Kastila na dumayo at namuno sa ating bansa ng higit 300 taon. Nauwi tuloy sina Padre Mariano GOMez (na ginampanan ni Dante Rivero), Jose BURgos (na nakapagbigay papuri kay Juan), at Jacinto ZAMora (na isinalarawan naman ni Enchong Dee) sa karumal-dumal na pag-garote noong 1872. Sa kanilang mga pangalan hinango ang bansag na siyang naging titulo ng nasabing pelikula.
Tema ng GomBurZa ang pag-aalsa ng mga Pilipino. Sinimulan kasi noong mga panahong iyon ang galawang sekularisasyon ng paring Katoliko na si Pedro Pelaez (na ginampanan ni Piolo Pascual). Siya ang nagturo kay Padre Burgos na siyang nagturo naman kay Paciano Rizal na nakatatandang kapatid ng bayani nating si José Rizal na sa murang edad, ay naging testigo sa paglalahad ng kuwento. Kung ating maaalala, inialay ni José ang kanyang nobelang El Filibusterismo sa alaala ng tatlong pari.
Ang Mallari naman ay kuwento na pinaghalong kasaysayan, paniniwala, at agham kung saan si Piolo ay gumanap ng tatlong katauhang nagmula sa lahi ng nasabing Mallari at sumaklaw sa iba’t ibang siglo.
Siya si Padre Juan Severino Mallari (isang pari rin noong ika-19 na siglo na nasira na ang ulo), ang pamangkin sa tuhod nito na si Johnrey (isang maniniyot noong 1940s), at ang apo niya sa talampakan na si Dr. Jonathan ng kasalukuyang panahon.
Ayon sa pelikula, si Mallari raw ang kauna-unahan at kaisa-isang serial killer ng Pilipinas na naiulat na pumatay daw sa 57 katao para pagalingin ang kanyang inang may sakit na si Doña Facunda (na isinalarawan ni Gloria Diaz), habang siya ay naninilbihan bilang kura paroko ng Magalang, Pampanga. Dahil diyan, siya ay binitay noong 1840.
Nagkataon naman na itong si Dr. Jonathan ay bumalik sa kanilang ancestral home, dahil naghahanap siya ng lunas para sa kanyang jowang nasa bingit na ng kamatayan. Dito niya nadiskubre ang sikreto ng pamilya galing sa mga naitagong footages ng nag dokumentaryong lolo nga niya na si Johnrey.
Sa kanyang pagsasaliksik, naglakbay diwa tuloy itong si Johnrey, at dito niya nalaman daw na kaya pala pumapatay ang tiyuhin niyang si Mallari ay para pakainin ang ina nitong aswang.
Ibig sabihin, pumapaslang si Mallari para lamang mabuhay ang kanyang inang sinasabing may napakalubha at hindi maipaliwanag na sakit.
Kaya tuloy, napagtanto nitong si Dr. Jonathan na para mabuhay din ang kanyang jowa, kailangan pala niyang pumatay din gaya ng kanyang ninuno.
Kaloka!
Masakit man sa ulo, totoo man ang istorya o pinagtagpi-tagpi na lamang, mas mainam pa rin na nanalo ang dalawang pelikulang ito na pinaghirapan at sinaliksik kaysa naman sa mga pelikula ng kabaklaan na laging pinuputakti dahil sa katatawanan kahit mababaw, walang saysay, at nagkakalat lang ng kabobohan.
At ang kagandahan pa nito ay muling bumabalik ang sigla ng pelikulang Pilipino, kahit malayung-malayo pa rin ito sa kalingkinan ng mga obra maestra noong mga nakalipas na dekada.
Sa aking mga vlogs at maging sa mga panayam kamakailan lamang sa telebisyon, radyo, at socmed, sinabi ko na sa Year of the Green Wood Dragon na magsisimula sa ika-10 ng Pebrero, magiging maganda ang industriya ng aliwan. Uusbong at mamumukadkad ang mundo ng sining at kultura.
Yan muna. Mag Subscribe lang, iLike, at iShare ang channel ko sa YouTube na Nickstradamus Nickstradamus. Libre lang yan. Marami kayong aral na mapupulot tungkol sa parehong kababalaghan at batas. Masaya lagi ang kuwentuhang KKK LIVE ng mga Kabunganga Nicksters sa buong mundo na umaabot pa nga ng 12 oras.
Hanggang sa muli, isang Mapagpalang Bagong Taon at Light Love and Life sa lahat, lalong lalo na kay R, Namaste!