Advertisers

Advertisers

3 LTO employees kulong sa pagpupuslit ng plaka

0 12

Advertisers

ARESTADO ang tatlong empleyado ng Land Tansportation Office (LTO) na nagnanakaw ng mga plaka ng sasakyan sa kanilang planta sa Quezon City nitong Huwebes.

Kinilala ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang mga naaresto na sina Jenard Arida at Arjay Anasco, embossers; at warehouse staff Valeriano Nerizon, pawang nagtatrabaho sa Plate Making Plant sa LTO Central Office sa Quezon City.

Ayon sa LTO, tinutugis pa ang isa pang empleyado na itinuturong pinuno ng grupo.



Nagtatrabaho ang apat sa LTO sa ilalim ng job order. Mula 2018 pa nasa LTO na ang umano’y pinuno ng grupo habang ang iba 2019 at 2020.

Sa report, humingi ng tulong sa mga tauhan ng Kamuning Police Station (PS 10) at Special Project Group DILG ang LTO personnel hinggil sa natuklasang pagnanakaw ng kanilang tauhan ng mga plaka ng sasakyan sa kanilang Plate Making Plant (PMP).



Napansin ng security guard sa planta ang palihim na pagpupuslit ng mga suspek sa limang plaka, kaya agad niya itong ipinaalam sa mga awtoridad.

Nabatid na pinagbabantaan pa ng mga suspek ang kapwa nila tauhan ng LTO sa loob ng planta na huwag magsusumbong.



Iniimbestigahan ng LTO ang naiulat na pagpupuslit ng unregistered plates na isang taon nang nangyayari, subali’t nito lamang Enero natuklasan nang magsumbong ang isang empleyado.

Nakakuha rin ang LTO ng CCTV footage na magdidiin sa mga suspek.

“Ito naman pong leader nila, nakita po sa CCTV kung paano nilalabas ng planta na tinatago at isinusuksok sa likod and then nilalagay po sa box ng motor. Tapos kapag off duty na, dala-dala niya na,” pahayag ni LTO intelligence and investigation division head Renante Militante.

Batay sa police investigation, sinabi ni Militante na ibinebenta ang mga plaka sa halagang P5,000 hanggang P10,000.

Mula January 6 hanggang 10, halos 38 plaka na ang naipuslit.

Magsasagawa ang LTO ng audit sa mga plaka mula 2018, taon nang pumasok ang lider ng grupo sa LTO.

Inihayag naman ni LTO chief Vigor Mendoza II na magsasagawa rin ang ahensya ng imbestigasyon sa kanilang regional offices upang matukoy kung nagaganap ang parehong anomalya sa mga ito.

Aalamin din ng ahensya agency kung mayroon pang ibang empleyado na sangkot sa modus.

Nasa kustodiya ng Kamuning Police Station 10 ang mga suspek.