Advertisers
BINUKING sa imbestigasyon ng Senado ang ‘ayuda scam’ sa Davao del Norte.
Sa imbestigasyon, lakas-loob na tumayo ang mga nakupitan ng ayuda ng mga local employee ng munisipyo at provincial social workers.
Totoo ang lahat sa ayuda scam. Napakatalamak nito sa mga probinsiya. Yes! Sa amin lang bayan ay grabe ang pangungupit ng mga namamahagi ng ayuda pati sa pension.
Tulad ng reklamong nakarating sa akin nitong Biyernes lamang. Pitong buwan na raw hindi nakakatanggap ng pension ang mga PWD ng isang bayan sa Romblon province.
At kapag nagkabigayan na ng pension, ang pitong buwan na dapat matanggap ay tatlong buwan lang ang ibinibigay. Sa sunod raw ang kulang na 4 months. Pero bibilang uli ng pito hanggang siyam na buwan bago mag-release ng pension, at ang ibibigay ay tatlong buwan lang uli, nawalan ng isang buwan ang unang kulang na apat na buwan, at nabawasan uli ng ilang buwan ang dapat na matanggap.
Ang mga ganitong scheme ng bigayan ng pension ay sadyang sinasadya ng mga namamahaging local social workers, nililito nila ang mga pensioner, ninanakawan ng maraming buwan na dapat matanggap ng PWDs o seniors. Mabuti lang ang 4PS naka-ATM na ang ayuda kundi ay titirahin din ito ng local DSW. Peks man!
Nananawagan tayo sa pensioners (PWDs at seniors) na mag-ingay kahit sa social media kapag kulang ang release o ibinigay sa inyo na pension o ayuda. Namimihasa ang mga magnanakaw sa gobyerno dahil hindi kayo kumikibo kahit kinukupitan.
Tandaan: Pasuweldo ng taxpayers ang mga nasa gobyerno, hindi sila boss. Nandiyan sila para maglinkod, hindi ang tayo’y pansamantalahan o nakawan. That’s it!
***
Naghuhugas-kamay na ang mga nasa likod ng People’s Initiative, mga nangangalap ng pirma kapalit ng P100 para sa madilim nilang balak na baguhin ang kasalukukuyang Saligang Batas para maging forever sila sa kapangyarihan.
Obkors yun namang nag-aambisyon na makabalik o sunod na hahawak sa Pilipinas todo kontra sa pagbago sa Saligang Batas, pero nung sila ang nasa puwesto gayundin ang kanilang ginawa, hindi nga lang nagtagumpay. Mismo!
Naalala n’yo ba nung panahon ni Gloria M. Arroyo, ang 2nd longest President ng Pilipinas sumunod kay Ferdinand Marcos Sr., ginastusan nila ng bilyones ang People’s Initiative pero nabigo. Sumunod si Rody Duterte, binalak din nila baguhin ang Konstitusyon, bigo rin!
At ito na naman… sa administrasyong Marcos, Jr. Inumpisahan na nila ang pagpaikot sa Peoples Initiative petition. Tulad ng ginawa noon ng mga “bata” ni GMA, gumagamit din ng salapi para makakalap ng kailangang mga pirma.
Kaninong pera sa tingin ninyo ang ipinansusuhol? Surely pera rin nating taxpayers. Ginigisa tayo sa sariling mantika.
Reject Cha-cha! Ang mga bugok na politiko ang baguhin!