Advertisers
MABUTI naman at natauhan na rin ang ating mga mambabatas at kumilos na para sitahin ang mga establisyemento at maging mga supermarket na hindi nagbibigay ng tamang mga diskwento sa mga senior citizen.
Sa totoo lang tama naman ang sinabi kamakailan ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na insulto ang katiting na diskwentong P65 na ibinibigay ng mga supermarket at grocery store sa mga matatanda.
“Para namang binigyan mo lang ng limos sina lolo or lola nyan…malaking insulto!”, ayon pa sa kanya.
Sobrang liit na nga ng discount ay obligado pa ang mga senior citizen na dalhin ang kanilang mga purchase booklet, at kapag nakalimutan nilang dalhin ay hindi pa maibibigay ang P65 na discount sa kanila.
Maging sa mga hotel, restaurant, coffee shop at iba pang establisyemento ay kadalasang hindi rin naibibigay sa mga matatanda ang tamang diskwento nila.
Magaling kasing magpalusot ang mga negosyante kaya nahahanapan nila ng butas ang batas, at sa halip na ma-enjoy ng mga matatanda ang mga prebilihiyo para sa kanila ay nawawala pa.
Pero alam niyo ba mga ka-Hindaway na sa totoo lang ay hindi lang dapat 20 percent ang discount na ibinibigay sa mga senior citizen sa mga produkto at sebisyo na binibayaran nila?
Base kasi sa Republic Act No. 9994, o iyong Expanded Senior Citizens Act, maliban sa 20 porsiyento ay dapat ibigay pa rin sa kanila ang 12% exemption para sa value added tax.
Kaya kung susumahin ay dapat 32 porsyento ang diskwento nakukuha ng mga senior citizen sa mga produkto at serbisyo na binibili nila.
Eh ano ang nangyayari? Ang problema hindi na nga ibinibigay sa mga senior citizen ang 20 porsiyento madalas nagpapalusot pa ang mga negosyante .
Ang gusto nila hangga’t maaari ay hindi masunod ang batas sapagkat para sa mga negosyante ay malaking kabawasan iyon sa kikitain nila.
Kaya naman suportado natin ang panukala ni United Citizens party-list Cong. Mitos Magsaysay na itakda na lang ang 32% diskwento para sa lahat ng mga binibili ng mga matatanda at wala ng maraming tsetse-buretse pa.
Sa totoo lang ang pagsasaayos na lang sa implementasyon ng Republic Act No. 9994, o iyong Expanded Senior Citizens Act, ang dapat gawin ng mga mambatatas natin at hindi iyang isinusulong na kaduda-dudang P.I. o people’s initiative kuno.
Abangan!