Advertisers
NATAGPUAN ang duguang bangkay ng isang PUP student sa kwarto ng bahay sa Barangay Tatala, Binangonan, Rizal, Linggo ng hapon,.
Kinilala ang biktima na si Louise Odette Dela Cuesta, 18 anyos, 1st year college student sa kursong Banking and Finance sa PUP Sta. Mesa, Manila.
Ayon sa lolo ng biktima na si Norberto Dela Cuesta, hindi masukat ang sakit na nararamdaman niya sa brutal na sinapit ng kaniyang apo na mula sa pagkabata siya ang nagpalaki.
“Masakit talaga hindi ko matanggap minsan kapag mag-isa ako nalalaglag ang luha ko,” ani Dela Cuesta.
Ayon kay Lolo Norberto: “Kung pera lang ang kaniyang kailangan, kinuha na lang sana. ‘Yung apo ko nag-iisang anak ‘yan. May maganda pa ‘yan kinabukasan, simula noong mag-aral ‘yan consistent honor eh.”
Sabi ni Lolo Norberto, iniwan lamang niya ang kaniyang apo sa bahay dahil may binili lang siya sa hardware store nang pagbalik niya bumulaga na sa kaniya ang karumal-dumal na sinapit ng apo na tadtad ng mga saksak.
Ayon kay Captain Mariesol Tactaquin, tagapagsalita ng Rizal PNP, nagtamo ng 10 saksak, palo sa ulo, at lacerated wound ang biktima. Wala namang senyales na ginahasa ito.
Dagdag ng mga awtoridad, maaaring pagnanakaw ang motibo sa krimen dahil nawawala ang cellphone at wallet nito.
Sa CCTV na kuha sa labas ng bahay ng biktima, maririnig pa ang pagsigaw nito.
Ayon sa Rizal PNP, apat na lalaki na pawang trabahador sa pinapagawang bahay ng lolo ng biktima ang suspek sa insidente.
Kita rin sa CCTV ang mga suspek nang pumasok sa bahay ng biktima at ang isang nakahubad na lalaki na patakas.
Ayon kay Capt Tactaquin: “Wala po makita na pwersahan kasi mayroon part ng bahay na para bang itutulak lang ang yero ay makakapasok ka na dahil po ‘yung bahay ay ginagawa. Under construction sa kanilang compound.”
Dalawa sa mga suspek ang naaresto sa follow up operation at kinasuhan na ng ‘robbery with homicide’.
Narekober narin ng mga pulis ang kutsilyo na ginamit sa krimen.
Patuloy pang tinutugis ang dalawa pang suspek na sinampahan narin ng kaso.