“It’s our time to shine!”- Mayor Honey
Advertisers
IT’S our time to shine!!!
Ito ang pahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna, matapos na purihin ang iba’t-ibang departmento, tanggapan at ahensya ng pamahalaang lungsod sa pagkakaroon ng mga gawain bilang tanda ng selebrasyon ng National Women’s Month.
Sinabi ng alkalde na noon ay tanging ang Manila department of social welfare ang gumagawa ng activities upang ipagdiwang ang National Women’s Month, ngayon ang local government ay may mga kaliwat kanang activities na inilaan para sa okasyon.
Ito ang mga pahayag ni Lacuna matapos pangunahan ang event na nagbibigay parangal sa mga natatanging kababaihang empleyado ng City of Manila sa Palma Hall sa loob ng Universidad de Manila, sa temang: “Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas: Kakayahan ng Kababaihan, Patutunayan!”
Kaugnay pa nito nagpahayag din ng labis na pagmamalaki ang lady mayor at sinabi nito na marami sa mga kababaihan ay hepe o pangalawang pinuno ng mahahalagang departamento, ahensya at tanggapan ng Manila City Hall.
Ayon pa sa alkalde, ang panahon ay sadyang nagbago na, matapos niyang papurihan ang mga kababaihan sa ngayon na pinatunayan sa kanilang sarili na kaya rin nilang umunlad na mas higit pa sa kalalakihan, lalo na pagdating sa multi-tasking o paggawa ng iba’t-ibang gawain ng sabay-sabay.
Sa nasabing event na inorganisa ng Manila City Personnel Office sa pakikilagtulungan ng Manila Department of Social Welfare sa ilalim ni Re Fugoso, nanawagan ang lady mayor sa mga maybahay na huwag maliitin ang papel na kanilang ginagampanan, dahil ang pagmimintina ng tahanan ay di madaling gawain.
Hinikayat niya rin ang mga ito na matuto at magkaroon ng kakayahan sa livelihood sa pamamagitan ng mga programang inaalok ng lungsod upang makatulong sa kanilang kabuhayan at madagdagan ang kanilang kita. (ANDI GARCIA)