Advertisers
Nasawi ang isang babae nang mabangga ng nag-counteflow na bus ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Taytay, Rizal nitong Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Josavel Simbajon, 47 taong gulang.
Ayon sa asawa ng biktima na si Feliciano Simbajon, galing sila sa isang talipapa sa Taytay at pauwi na sa isang subdivision sa lugar nang bumangga sila sa bus na nagco-counterflow sa Ortigas Avenue Extension.
Nahulog sa motorsiklo ang biktima at nagulungan ng bus na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.
Paliwanag naman ng driver ng bus, galing siya sa garahe nila sa Binangonan, Rizal at papunta sa isang bus terminal sa Taytay para makapamasada na.
Binusinahan niya umano ang mag-asawang nakamotorsiklo bago siya mag-counteflow.
Humihingi ng pasensya ang 54-anyos na driver sa nangyaring insidente.
Desidido si Feliciano na kasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide ang bus driver.
Dinala na sa Taytay Municipal Police Station ang driver at ang bus. Nakatakda rin pumunta sa istasyon ang pamunuan ng bus company para magbigay ng tulong pinansyal sa pamilya ng nasawi.