Advertisers
NAGREKLAMO kay Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mahigit isang libong kubrador ng Small Town Lottery (STL) sa lungsod kasunod ng umano’y panggigipit sa kanila ng operator nito magmula pa noong nakaraang taon.
Sa kanilang liham na ipinadala sa tanggapan ng alkalde na pirmado ng mahigit isang libong kubrador, sinabi ng kanilang tagapagsalita na si Bryan Adame, lider ng Samahan ng Masaganang QC; nang magsimula sila sa Lucent Gaming and Entertainment taon 2023 nasa 20% ang kanilang komisyon sa mga nagiging kubransa nito sa STL.
Makalipas lamang ang ilang buwan, sinabi ni Adame na ibinaba ng Lucent ang kanilang komisyon sa 15% sa kabila ng walang pagbabago sa kanilang mga nagiging pagpapataya.
Bukod sa pagkaltas sa kanilang komisyon, tinayuan pa ng Lucent ng mga betting booth ng ibang laro ang kanilang mga istasyon na lalong nagpababa sa kanilang mga kubransa.
Binigyang-diin pa sa liham ng mga nagrereklamo na marami ring kawani ng Lucent ang sumasahod ng mas mababa pa sa minimum wage kaya nanawagan din sila sa Department of Labor and Employment (DOLE) na imbestigahan din ang ganitong sistema ng kompanya.
Maging ang pagbabayad ng kuryente sa mga betting station na dati namang sinasagot ng Lucent ay ipinabalikat narin sa mga kubrador na lalong nagpababa sa kanilang mga kinikita.
Hiniling rin nila kay PCSO General Manager Mel Robles na panghimasukan na ang kanilang mga inirereklamo upang manumbalik maayos nilang paghahanapbuhay.
Nagpahayag din ng pag-asa ang grupo sa magiging aksiyon ni Mayor Belmonte dahil direktang sa Quezon City nangyayari ang kanilang mga inirereklamo laban sa STL operator sa lungsod.