Advertisers
Patay ang isang insurance coordinator nang pagbabarilin sa loob ng isang bahay ng mga suspek na riding in tandem kamakalawa ng umaga sa may Priscilla St., Sta. Cruz, Maynila.
Nasawi dahil sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang suspek na si Joseph Frigillana, 55-anyos, taga-Barihan, Malolos, Bulacan.
Habang masuwerte naman na hindi tinamaan ang ka-live in ng biktima na si Jessiefer Galdones, 25, na noon ay kasama ng biktima sa bahay.
Inilarawan naman ni PMajor Dennis Turla, hepe ng MPD-homicide section ang mga suspek na nakasuot ng kulay pulang helmet, asul na t shirt, itim na pantalon at rubber shoes, habang ang isang suspek ay nakaasul na helmet, gray na pantalon, itim na rubber shoes na Nike at sakay ng isang puting motorsiklo.
Naganap umano ang insidente 11:00 ng umaga kung saan kadarating lang ng mag-live in sa lugar para mamasyal nang dumating ang dalawang suspek at nang makita ang biktima ay kaagad na pinaulanan ng bala at nang makitang napuruhan ay mabilis nang tumakas papunta sa direksiyon ng Herrera St. Sta. Cruz, Maynila.
Mabilis na isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktima pero binawian din ng buhay.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen.
Nabatid na dayo lamang sa lugar ang biktima at posibleng sinusundan ito ng mga suspek.