Advertisers
INIULAT ng Malakanyang na pinalawak pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang manhunt operations laban sa puganteng si Pastor Apollo Quiboloy at maging sa mga kapwa-akusado nito na nahaharap sa mga kasong sexual at child trafficking.
Ayon kay PNP Spokesperson, Colonel Jean Fajardo, hindi lamang sa Davao region nakatutok ang kanilang manhunt operations.
Nakikipag-ugnayan narin ang PNP sa National Bureau of Investigation (NBI) sa pagtugis kay Quiboloy, ang founder ng relihiyong Kingdom of Jesus Christ at may-ari ng Sonshine Media Network International.
“Sa ngayon po ay hindi na lamang po limited sa Davao Region iyong ginagawa po nating paghahanap. Even dito sa Metro Manila and other areas are also [covered]. Information are also being validated to confirm the possible location of not only Pastor Quiboloy, but with other accused as well,” pahayag ni Col. Fajardo.
Binigyang-diin ni Fajardo na on-track ang PNP sa kanilang manhunt operations.
Binawi na ni PNP Chief, General Rommel Francisco Marbil, noong April 16, 2024 ang lisensiya sa mga baril ni Quiboloy.
Binigyan ng taning ng PNP si Quiboloy ng anim na buwan na isuko ang kanyang mga armas batay sa nakasaad sa ilalim ng Republic Act 10591, Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon kay Fajardo, mahaharap sa kaukulang aksiyon si Quiboloy kapag hindi nito isinuko ang kaniyang mga armas.
Dagdag pa ng opisyal, habang naka-pending ang inihaing ‘Motion for Reconsideration’ ng kampo ni Quiboloy sa nasabing mga baril, itinuturing na “loose firearms” at subject na ito sa police operation.