Advertisers
NASAWI ang apat katao nang malason ng methane gas sa isang tunnel sa Bambang, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang mga nasawi na sina Dionisio Alisen, 62 anyos, ng Antutot, Kasibu; Jeremias Padilla, 64, ng Sawmill, Mabuslo, Bambang; Selvino Mendoza, 63, ng Banggot, Bambang; at Marlon Mateo Orden, 38, kagawad ng Barangay Magsaysay Hill dito sa Bambang.
Una rito, rumesponde si Kagawad Orden nang malamang na-trap ang tatlo katai sa isang tunnel, subali’t maging siya ay hindi na nakalabas sa tunnel na mahigit 10 metro ang lalim.
Dito naman sumunod si Marlon Siopon, 32, na tinalian ang sarili ng lubid bago bumaba sa butas subali’t nang makarating ito sa loob nakalanghap siya ng kakaibang amoy na sinundan ng pagkahilo.
Ayon kay Siopon, agad niyang hinila ang lubid bilang hudyat na kailangan siyang hilain pataas subali’t bago pa man siya mahila nawalan na ito ng ulirat.
Bumalik na lamang ang kanyang malay ilang minuto ang nakalipas nang mailabas ito sa hukay.
Humingi ng tulong ang mga kinauukulan sa rescue personnel ng Didipio Mine ng OceanaGold na nakabase sa Kasibu, Nueva Vizcaya para maiahon ang mga biktima.
Nasawi ang mga biktima dahil sa methane gas sa loob ng hukay. (Rey Velasco)