Advertisers
PINAKAKASUHAN na ng Office of the Ombudsman sina dating Health Secretary Francisco Duque III at dating Usec. Lloyd Christopher Lao ng Procurement Services ng Department of Budget and Management (DBM) dahil sa umanoy paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Kaugnay ito sa umanoy anomalya sa paglilipat ng Department of Health ng 41 billion pesos na pondo sa PS-DBM para sa pagbili ng COVID-19 medical supplies.
Sa apatnapu’t siyam na pahinang resolusyon ng Ombudsman, nakitaan ng sapat na basehan o may probable cause para madiin sa kaso sina Duque at Lao.
Abswelto naman ang iba pang opisyal ng DOH tulad nina Usec. Carolina Taiño, Myrna Cabotahe, Roger Tong-an, Enrique Tayag, at iba pa.
Una nang pinagtibay ng Ombudsman ang naunang desisyon na nagdidiin kay Lao at sa iba pang opisyal ng PS-DBM sa kasong katiwalian dahil naman sa umano’y anomalya sa pagbili ng medical supplies sa Pharmally.
***
Samantala pinayuhan naman ni Senator Risa Hontiveros ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan na magsilbing babala sa kanila ang nangyari kina dating Health Secretary Francisco Duque III at dating PS-DBM Usec. Lloyd Christopher Lao na pinasasampahan ng kasong graft ng Office of the Ombudsman.
Ang pagsasampa ng kaso sa dalawang dating opisyal ay kaugnay sa iligal na paglilipat ng Department of Health (DOH) ng pondong ?41 billion sa PS-DBM na pinambili ng COVID-19 supplies.
Ayon kay Hontiveros, dapat na magsilbing babala sa mga tiwali sa gobyerno na tulad kina Duque at Lao ay bilang na rin ang kanilang mga araw.
Ikinalugod ng senadora na hindi nauwi sa wala at nagbunga ang ginawa nila ni dating Senator Richard Gordon na imbestigasyon sa Senado patungkol sa iregularidad na pagbili ng mga medical supplies para sa COVID-19.
Sinabi pa ni Hontiveros na ang kautusan ng Ombudsman ay tagumpay ng mga Pilipino na niloko, naghirap at pinagkasya ang limitadong ayuda sa gitna ng pandemya dagdag pa ang mga healthcare workers na nagtiis sa delayed na special allowance at hazard pay.
Subaybayan natin!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.