Advertisers
NASAWI ang isang sundalo at dalawang kasapi ng Citizens Armed Forces Geographical Unit habang anim na iba pa ang malubha nang mahulog ng paatras ang kanilang sasakyan sa isang malalim na ilog sa gilid ng highway sa New Bataan, Davao de Oro, umaga ng Sabado, May 18, 2024.
Kinumpirma ng New Bataan MPS na nasawi sa aksidente ang driver ng KM450 na si Private 1st Class Jaynor Makakua, isang Maguindanaon Moro; at dalawang kasapi ng Citizens Armed Forces Geographical Unit na sina Reynald Balaga at Ferlan Concepcion.
Anim iba pa, sina 1Lt. Fidel Castro Jr., Sgt. Michael Arzaga, Cpl. Emil Joy Mission, Pvt. Jonel Alvarado at ang CAFGU members na sina Jay-Ar Bale at Ardel Castro ay nagtamo ng mga sugat at mga pasa sa katawan sa aksidente.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Linggo ng New Bataan Municipal Police Station at ng Police Regional Office-11, biglang namatay ang makina ng Army KM450 light truck ng 25th Infantry Battalion na sinasakyan ng mga biktima habang paakyat sa isang mataas na lugar kaya nawalan ng kontrol ang driver nito at umatras ng mabilis, gumulong at lumagpak sa ilog sa gilid ng highway sa Barangay Andap ng naturang bayan.
Nagpaabot na ng inisyal na ayuda ang pamunuan ng 25th IB at ang 10th Infantry Division sa mga biktima at sa pamilya ng tatlong nasawi sa insidente.