Advertisers
Nasawi ang isang babae nang pasukin, pagbubugbugin at ibalibag ng isa rin hindi kilalang babae na dinig pa sa CCTV sa loob ng bahay ang ginawang krimen nito sa Brgy. Biclatan, Gen. Trias, Cavite City.
Kinilala ang biktima na si alyas “Rubie”, nasa hustong gulang, residente ng Holiday Homes, Brgy. Biclatan, Gen. Trias City
Nakilala naman ang suspek na itinago sa pangalang “Vanessa” na tumakas matapos ang krimen.
Sa ulat, 10:00 ng gabi nang umuwi ang mister galing sa trabaho at nadatnan nito ang kanyang live-in partner na duguang nakahandusay sa loob ng kanilang bahay.
Sa pagsisiyasat ng pulisya at pag-review sa CCTV footage, nakita rito ang pagpasok ng salarin na si Vanessa sa bahay ng biktima kung saan agad nitong tinungo ang CCTV camera at tinakpan ito.
Dinig na dinig ang pagtatalo ng salarin at biktima hanggang sa pambubugbog at pagbalibag sa biktima na noong una nagawa pang sumigaw at humihingi ng tulong hanggang sa hindi na marinig ang boses nito.
Nagsasagawa na nang malalimang imbestigasyon sa insidente at pinaghahanap na ang salarin at inihahanda na ang kaukulang kasong isasampa laban kay Vanessa.