Advertisers
SINABI ng Philippine National Police (PNP) na wala itong natatanggap na balidong intelligence na magpapatunay ng anumang banta ng “military-backed People Power” movement, sa gitna ng mga kumakalat na ulat sa social media.
Ayon kay PNP Chief, General Jose Melencio C. Nartatez Jr., nananatiling nakaalerto ang pulisya ngunit walang kredibleng ebidensiya ng agarang banta, at ang mga ulat ay itinuturing munang tsismis hangga’t hindi napapatunayan.
“The PNP maintains a high level of alertness but as of now, we have no validated intelligence indicating a credible, imminent threat of a military-backed movement. We treat these reports as rumors until proven otherwise,” ani Nartatez.
Ang pahayag ay kasunod ng pahayag ni Senator Panfilo Lacson, Senate Pro-Tempore at dating hepe ng PNP, kaugnay ng mga usap-usapan ng posibleng pag-aaklas na inuugnay sa tensyon sa pagitan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
Binanggit din ni Lacson ang mga ulat ng umano’y recruitment sa hanay ng mga aktibong uniformed personnel, kasabay ng paalala na ang anumang hindi konstitusyonal na hakbang ay dapat tutulan at ang mga isyu ay dapat resolbahin sa legal na paraan.
Ang terminong “People Power” ay tumutukoy sa EDSA 1986 na nagpatalsik kay yumaong Ferdinand Marcos, Sr., at sa EDSA II noong 2001 na nagpatalsik kay Joseph Estrada dahil sa alegasyon ng korapsyon.
Muling iginiit ni Nartatez na mananatiling nakatuon ang PNP sa mandato nitong panatilihin ang kaayusan at hindi papasok sa mga ispekulasyong pampulitika.
“Our loyalty is to the Constitution and the Filipino people, not to any political faction. Ang trabaho namin ay siguraduhin ang kaayusan sa kalsada at komunidad. We remain professional and focused on our anti-crime mandate,” aniya.
Dagdag pa niya, patuloy ang koordinasyon ng PNP sa Armed Forces of the Philippines (AFP), at nananatiling sumusunod ang dalawang institusyon sa chain of command at sa pagpapanatili ng katatagan.
Nauna nang itinanggi ng AFP ang anumang pagka-kaugnay sa mga ganitong usapin, at iginiit na nananatili itong nakatuon sa mandato nitong protektahan ang bansa at ang ma-mamayan. (Boy Celario)