Advertisers

Advertisers

TOLOSA: VP SARA TRIAL, WAWAKASAN NA!

0 16

Advertisers

ANUMAN ang pagkakaiba sa pulitika, iisa ang nais ng mga tagasuporta at kritiko ni Vice President Sara Z. Duterte — ang agarang pagtatapos ng kanyang impeachment trial at hindi na ito patagalin pa.

Ito ang iginiit ni House prosecution legal spokesperson at counsel Benjamin “Jay” Tolosa Jr. nitong weekend, kasabay ng pag-asang matatapos na ng depensa ang paglalahad ng kanilang mga ebidensya sa susunod na linggo upang magkaroon ng pagkakataong mailabas ang hatol bago matapos ang taon.

“Sa palagay ko, pare-pareho ang damdamin ng mga sumusuporta at hindi sumusuporta sa bise presidente na gusto na nilang matapos ito sa lalong madaling panahon,” pahayag ni Tolosa sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.



Sinabi rin ni Tolosa na karamihan sa mga senador na nagsisilbing hukom sa impeachment court ay nagpahayag na rin ng kagustuhang tapusin na ang paglilitis.

“Kaya sana, tapusin na natin ito,” aniya.



Nang tanungin tungkol sa posibleng dahilan ng paulit-ulit na kahilingan ng depensa na ipagpaliban ang mga pagdinig, tumanggi si Tolosa na magbigay ng haka-haka, subalit ipinahiwatig na maaaring nahihirapan itong makakuha ng mga testigo.

“Baka nahihirapan silang maghanap ng mga testigo,” ani Tolosa.



Gayunman, iginiit niya na anuman ang dahilan ng mga pagpapaliban, nararapat lamang na umusad na ang paglilitis tungo sa pinal na resolusyon.

“Anuman ang kanilang dahilan, para sa amin, dapat matapos na ito,” dagdag niya.

Nakatakdang ipagpatuloy ng Senate impeachment court ang mga pagdinig mula Disyembre 1 hanggang 4, matapos kanselahin ang mga itinakdang paglilitis noong Nobyembre 26 at 27 dahil sa hindi pagiging available ng mga abogado at testigo ng depensa.

Sa kabila ng apat na araw na nakalaan para sa pagdinig, dalawa pa lamang ang tinukoy na testigo ng depensa — sina Bureau of Customs Deputy Commissioner Agaton Teodoro Uvero at Dr. Lourdes Tingson-Lebosada, dating business partner ng asawa ni Duterte na si abogado Manases “Mans” Carpio.

Ayon kay Tolosa, posible pa ring magkaroon ng hatol bago matapos ang taon kung makukumpleto ng depensa ang paglalahad ng kanilang mga ebidensya sa itinakdang panahon at wala nang panibagong pagpapaliban.

Noong Oktubre 21, pormal nang tinapos ng House prosecution ang paglalahad ng kanilang kaso matapos iharap ang mga dokumento at testimonya hinggil sa umano’y P817.87 milyong hindi idineklarang ari-arian at hindi maipaliwanag na yaman nina Duterte at Carpio mula 2022 hanggang 2025.

Ang Article II na tumatalakay sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ang natatanging reklamong impeachment na nananatili laban kay Duterte, na mariing itinanggi ang anumang maling gawain.