Advertisers
MAY lead na ang National Bureau of Investigation (NBI) kung sino ang kinausap ni Vice President Sara Duterte para patayin si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa nagpapatuloy na impeachment hearing nitong Miyerkules, Abril 29, ng House Committee on Justice ay sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na may listahan na sila ng ilang indibidwal na posibleng kinausap ni VP Sara kaugnay sa pagbabanta niya sa buhay ni Pangulong Marcos at iba pa.
Sinabi ni Matibag, nagsasagawa na sila ng surveillance sa nabanggit na mga personalidad.
Ani Matibag, kasama sa kanilang sinisilip ang mga miyembro ng Vice Presidential Security Group (VPSG) at iba pang personalidad na malapit kay VP Sara.
Diin ni Matibag, ang pagbabanta sa buhay ng pangulo at ng sinuman ay isang seryosong usapin na dapat imbestigahan at hindi pwedeng balewalain.
Binanggit naman sa impeachment hearings ni Senior NBI Agent Jeremy Lotoc, na nagsumite na sila ng rekomendasyon sa Department of Justice (DOJ) na sampahan si VP Sara ng one count of inciting to sedition at three counts of grave threats.