Advertisers
TINUTUGIS ngayon ang isang motorcycle taxi rider sa pangha-harass at pangho-holdap sa pasahero nitong babae mula sa Quezon City.
Nag-viral ang post ng biktima, isang BPO employee, kungsaan isinalaysay niya ang harassment at pangho-holdap sa kaniya ng rider.
Dumulog ang biktima sa Substation 4 ng Pasay City Police upang pormal na ireklamo ang rider.
Ayon sa biktima, papasok siya sa trabaho sa Taguig City Miyerkoles ng gabi at nag-book sa Cubao, Quezon City.
Isinakay siya ng salarin, ngunit nagsimula na siyang mangamba nang ilampas na siya ng rider sa dapat niyang bababaan.
“‘Ma’am baka puwedeng samahan niyo ako?’ Sabi ko: ‘Saan po?’ Sabi niya: ‘Diyaan lang po’. ‘Ay hindi kuya, kasi may pasok ako.’ Ang dapat pong way niya is magtu-turn left siya. Ang ginawa po niya nagdirediretso po siya, doon na po ako nag-start na mag-panic,” kuwento ng biktima.
Kinuha ng rider ang handbag ng biktima na may pera, kaniyang mga ID at debit card, bago ibinaba sa madilim na bahagi ng Pasay, na malayo sa kaniyang destinasyon.
“Sabi niya: ‘Sige ma’am ibababa kita pero ibibigay mo sa akin ‘yung gamit mo.’ Pagbaba ko, before akong bumaba, sinigurado ng rider na hawak na niya ‘yung bag ko para pagbaba ko ng paa ko, makakaalis na po siya,’” sabi ng biktima.
“Nakaka-trauma. And then after po noon every time na nakakakita ako ng rider, lagi siyang pumapasok sa isip ko, hindi siya mawala,” sabi pa ng biktima.
Base sa inisyal na pakikipag-usap ng mga pulis sa kinatawan ng motorcycle company, pag-uusapan ng kanilang pamunuan kung paano nila ito tutugunan.
Wala pang pahayag sa insidente ang pamunuan ng motorcycle taxi na hindi muna pinangalanan.