Advertisers
BUMULAGA sa mga awtoridad, pinagsanib na puwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police (PNP), ang “torture room” sa isa sa 46 gusali sa 10 ektaryang Philippine ‘Scam Farm’ sa Porac, Pampanga nitong Sabado.
Ayon kay PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz, nagtungo sila Biyernes ng gabi sa nasabing scam hub pero dahil sa walang kuryente nagpasya parin silang ituloy ang paggalugad sa mga gusali.
Sa bisa ng seach warrant na nakuha mula sa San Fernando Regional Trial Court, pinasok at hinalughog ng mga awtoridad ang lugar upang hanapin ang sinasabing babae na nadinig na nagpapasaklolo.
Habang ginagalugad ang lugar, nadiskubre ng mga awtoridad ang isang tila ‘torture’ o ‘panic room’ sa isa sa mga gusali at nadiskubre ang mga hinihinalang torture paraphernalia gaya ng baseball bat, pang-kuryente, at iba pa.
Sinabi ni Cruz, ang mga kuwarto ang nagsisilbing barracks ng mga tao na tumuloy doon, gayunman wala nang natagpuan doon ang mga awtoridad.
Una rito, dalawang Chinese nationals ang nasagip sa naturang lugar, isa dito ang naabutan pang nakatali sa bed frame at may mga pasa.
Nitong Sabado, tanging mga aso at ilang hayop na nakakulong ang nasagip ng mga awtoridad.
Magugunita na noong Martes, sinalakay ang lugar pero hindi tuluyang napasok ng mga awtoridad matapos bawiin ng korte sa Bulacan ang inilabas na search warrant.
Unang ni-raid nitong Hunyo 2 ang Lucky South 99, subalit nagtakbuhan ang mga empleyado at nagkagulo, pero naaresto ang 157 empleyado na Chinese, Vietnamese, at Malaysian nationals.
Karamihan sa mga ito ay walang pasaporte at sinasabing nagbabakasyon lang sa bansa.
Samantala, sinabi ni Winston Casio, PAOCC spokesperson, ikabibigla ng publiko kung sino ang lilitaw na may-ari ng scam hub.
Batay sa paunang imbestigasyon ng PAOCC, konektado ito sa POGO hub sa Bamban, Tarlac.