TOTOONG nagulat kami ng aminin ni Dr. Winston Casio, spokesman ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), na kasalukuyan nilang sinisiyasat kung sino sa kanilang hanay ang nagpasingaw at naglabas ng impormasyon tungkol sa kanilang raid sa POGO compound sa bayan ng Porac sa Pampanga.
Hindi naitago ng pamunuan ng PAOCC ang pagkadismaya kung paano nakatakas ang mga pangunahing karakter na may-ari at namamahala sa operasyon ng POGO complex sa Porac. Pag-aari ito ng mga Tsino at kilala ito sa pangalang Lucky South 99. Aabot sa 46 ang bilang ng mga gusali sa sampung ektarya ng POGO complex. Kagabi umabot sa 11 gusali ang nahalughog ng mga maykapangyarihan sa complex.
Ayon kay Casio, hindi lalampas sa 50 ang tauhan ng PAOCC na ang pangunahing trabaho ay wasakin ang organized crime sa bansa lalo na ang mga sindikato at gang ng mga kriminal. Tinulungan ang PAOCC ng mga ahensya na may police power tulad ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Department of Justice, Anti-Money Laundering Council (AMLC), at Bureau of Immigration and Deportation.
Hindi tinukoy ni Casio kung alin sa mga ahensyang iyan nanggaling ang info na nakarating sa pamunuan ng Lucky South 99. Ginawa ang raid noong ika-4 ng Hunyo, ngunit nang dumating ang raiding team ng ika-walo ng gabi, nawala na parang bula ang mga may-ari at manager ng POGO complex. Ang tumambad sa kanila ay ang mga tauhan na humihingi ng saklolo dahil sa hindi makatarungang trato sa kanila.
Sila ang mga ikinulong, binugbog, at pinagmalupitan dahil hindi sila nagtrabaho at hindi sila sang-ayon sa trato sa kanila. May mga tauhan na galing sa POGO complex sa Bamban, Tarlac. Sapantaha ni Casio na lumipat sila sa Porac nang ipasara ng PAOCC ang compound sa Bamban na katabi ng city hall ng Bamban.
Limang linggo nagplano ang PAOCC sa raid sa Porac, ngunit laking mangha nila na kumalat ang detalye at marami ang nakaalam sa raid, ayon kay Casio. Hindi naipaliwanag ng PAOCC kung paano kumalat ang impormasyon ng raid. Ang mga ikinulong, binugbog, at pinagmalupitan ang kanilang inabutan at walang humarap sa kanila na bahagi ng management. “Kailangan may managot sa leaked info,” ani Casio sa mga mamamahayag sa Kapihan sa QC.
Binanggit ni Casio na hindi naging madali sa kanila ang raid sa POGO complex sa Porac. Bukod sa arrest warrant, humingi sila ng search warrant sa husgado upang mahalughog ang POGO complex. Nagbigay si Judge Ma. Belinda Rama ng Branch 14 ng Malolos City Regional Trial Court, ngunit sinuspinde niya ito ng 10 am ng ika-5 ng Hunyo.
Ang dahilan: Hindi niya naisama sa search warrant kung ano ang hahalughugin, ani Casio. Lumalabas na isa itong “general search warrant,” aniya. Tuluyan niya itong binawi sa hapon. Gumawa ng paraan ang PAOCC at nakahingi ito ng search warrant kay Judge Robert Alexander Malig ng Brach 45, San Fernando RTC.
Maraming natuklasan ang PAOCC sa kanilang paghahalughog sa POGO complex. Umabot sa 11 gusali ang nabuksan at nahalughog ng PAOCC doon. Dahil mayroon itong 46 na gusali maaaring abutan ng isang linggo ang paghahalughog doon, ani Casio.
Kasama sa mga natuklasan ang tatlong kuwarto ng nagsilbing torture chamber dahil maraming tilamsik ng dugo ng tao, mga bale-baleng baseball bat na maaaring ginamit sa torture ng mga empleyado na hindi sumunod sa kanilang tagubilin, mga armas, droga tulad ng shabu na maaaring ginagamit ng mga empleyado, sex toy, at iba pang kasangkapan na sanhi ng krimen doon. May natuklasan na uniporme ng sundalo ng Tsina dahil may mga butones na may nakaukit na PLA o ng People’s Liberation Army (PLA) ng Tsina.
Binanggit ni Casio na umabot sa mahigit sa 160 foreign nationals ang nasabat ng PAOCC sa kanilang raid sa mga kompanyang POGO. Isa sa mga nasabat sa Porac raid ay isang Tsino na hinihinalang isang fugitive galing mainland China. Halo-halo ang nasyonalidad nila bagaman ang malaking bilang ay galing China. May galing ng Myanmar, Vietnam, Thailand, at Cambodia.
Dahil kakambal ng POGO ang maraming krimen tulad ng hindi pagbabayad ng buwis, kidnapping, at murder, tinanong ng mga mamamahayag si Casio kung panahon na upang baklasin at sipain na sila sa Filipinas. Hindi ito tuwiran sinagot ni Casio, ngunit nagpaalaala siya na magpupulong ang mga hepe ng iba’t ibang ahensya upang pag-usapan ito at magdesisyon.
May mga panawagan na ang mga mambabatas na alisin na ang POGO dahil wala silang kabutihan idinudulot sa bansa. Hindi sila nagbibigay ng sapat na buwis upang tugunan ang gastusin ng bansa. Mas marami ang ang perwisyo imbes na kabutihan, anila.
Sa Senado, maingay si Sen. Risa Hontiveros at dalawang senador na tuwirang humihingi na alisin at baklasin ang mga POGO sa bansa. Sa Kamara de Representante, isa sa humihingi ng tuwirang pagtaboy sa mga POGO ay si Kin. Wilbert Lee ng Agri Party List. Limitado ang kabutihan ng POGO, aniya. Hindi nga nagbibigay ng trabaho iyan sa mga Filipino, aniya.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “It was confirmed by the PCG that, through the invitation of the Philippines, the US Coast Guard will start deploying its ships in the West Philippine Sea to assist the Philippines. Surely, China will not be happy with this. But this is just a reaction to China’s aggression.” – Max Montero, netizen
“The Philippine government is under no obligation to seek permission from a country that has illegally and provocatively deployed their forces within our Exclusive Economic Zone. China must remember that Ayungin Shoal is located approximately 105 nautical miles away from the nearest coastline of Palawan. Therefore, China does not have any jurisdiction over these waters. The recent incident involving the obstruction of a medical evacuation highlights the inhumane actions of the Chinese government, as they demonstrate a disregard for safety and the preservation of life.” – Commodore Jay Tarriela, spokesman of the Philippine Coast Guard on the West Philippine Sea.
***
Email:[email protected]