Advertisers
KULONG ang isang driver ng trak at dalawang kasabwat nito nang tangayin ang minamanehong delivery truck sa Liwayway Subdivision, Barangay Anabu 1-C, Imus City, Cavite noong Linggo.
Ayon sa report ni Cavite Police Provincial Director, Colonel Eleuterio M. Ricardo; kay Calabarzon PRO 4-A Director, Brigadier General Paul Kenneth Lucas, ipinagbigay-alam sa kanila ng biktima na si Leah Mizpa De Leon, 33 anyos, na nawawala ang pagmamay-aring truck, ISUZU aluminum closed van (NAW 7676).
Nagsagawa ng follow up operation ang mga awtoridad, at natunton ang nawawalang trak sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS) na nakakabit sa trak. Nabawi ang trak subali’t wala na ang laman nitong mga paninda na nagkakahalaga ng P123,000.00 sa lugar ng Barangay Maduya, Carmona City.
Nasakote ang driver ng trak na si alyas “Jomar”, 30; alyas “Teoderick”; at alyas “Gonel”, mga nasa hustong gulang, na umamin na ibinenta nila ang mga paninda sa halagang P20,000.00.
Narekober din sa lugar ang isang Mitsukoshi Marvel 125 motorcycle at isang helmet na ginamit sa pagbebenta ng mga paninda. (Koi Laura)