Nasawi ang lider ng Hernandez gun for fire Group nang manlaban sa mga operatiba ng Quezon Police Provincial Office na magsisilbi ng arrest warrant laban sa suspek sa Barangay Lual Barrio, Mauban sa lalawigan ng Quezon.
Kinilala ang suspek na si Ronnie Hernandez, 41-anyos, tubong Malvar, Batangas at Rank Number 4 sa Regional Level ng Calabarzon.
Sa ulat na ipinadala ni Quezon Police Provincial Director, Police Colonel Ledon Monte sa opisina ni Calabarzon PRO4 A Police Brigadier General Paul Kenneth Paul Lucas, bitbit ng mga pulis ang warrant of arrest para sa kasong Frustratrated Murder at Murder na inisyu ng korte ng Branch 53 ng Regional Trial Court sa Lucena para isilbi sa suspek na si Hernandez, ng magpaputok ito ng baril at tumama sa ballistic vest at kevlar helmet ng isa sa mga pulis kayat napilitan gumanti ng putok ng baril ang mga otoridad na nagresulta ng pagkakasugat ng suspek na tinamaan ng dalawang bala sa dibdib.
Mabilis na dinala sa Tayabas Community Hospital ang sugatang suspek subali’t ideneklarang Dead on arrival ng mga rumespondeng doktor.
Kabilang sa mga narekober sa lugar ng crime scene ang isang caliber 45 na baril, isang caliber 38 revolver, isang hand grenade na nakuha sa bulsa ng suspek at iba’t-ibang klase ng mga bala.(Koi Laura)