KULONG ang isang ‘akyat bahay’ na pagnanakaw lang ang pakay pero natuksong pagsamantalahan ng dalawang beses ang may-ari ng bahay sa Dasmarinas City, Cavite, Martes ng madaling araw.
Hawak ngayon ng Dasmarinas Component City Police ang lalaki na si alyas “Ben” ng Barangay San Roque, Dasmariñas City matapos ireklamo ng panggagahasa at pagnanakaw ng kanyang kapitbahay na si alyas Karen.
Sa salaysay ng biktima, habang natutulog ay naalimpungatan siya sa narinig na kalampag sa kanilang bahay kaya bumangon ito at naaktuhan si Ben sa loob.
Tinangka umano ng biktima na sumigaw subalit tinakot at binantaan siya ni Ben.
Nagtungo si Ben sa kusina, kumuha ng kutsilyo at itinutok sa biktima at nagwikang “magnanakaw lang sana ako pero gusto mo reypin kita.”
Ayon sa biktima, nagtagumpay si Ben sa pagnanasa kungsaan 2 beses umano siyang ginahasa.
Kinuha pa umano ni Ben ang pera nitong P100 at relo saka lumabas sa harapang pintuan.
Nagsumbong ang biktima sa kanilang barangay, inilarawan ang lalaki, dahilan upang puntahan ito sa kanilang bahay at personal na kinilala ng biktima.
Hindi binangit sa ulat kung walang kasama ang biktima sa kanilang bahay at kung paano nakapasok ang salarin.