Advertisers
KULONG ang isang misis nang buhusan ng gas at silaban ang kanyang kapitbahay na pinaghihinalaan niyang may relasyon sa kanyang mister sa Tondo, Maynila.
Nabatid sa Manila Police District (MPD) na naganap ang insidente Hulyo 26, 2024 nang puntahan ng salarin ang biktima, na noo’y natutulog, at binuhusan ng gas at sinilaban.
Inamin ng 25-anyos na salarin na si Vangie, ‘di tunay na pangalan, na nagawa niya ang tangkang pagpatay sa biktima dahil sa sobrang galit at pagmamahal sa kanyang mister. Ayaw aniya na maging broken family sila.
Naisugod naman sa ospital si Eva, ‘di tunay na pangalan, na nagtamo ng sunog sa kamay, leeg at ulo, at kasalukuyan nagpapagaling.
“Binuhusan ako ng gas habang natutulog ako. Sinindihan niya ako sa ulo. Lumiyab po ako. Tumatalon ako sa sobrang sakit, umaapoy na po ako… Humihingi na ako ng saklolo,” ani Eva.
“Natataranta na po ang mga tao, hindi nila alam kung anong gagawin. Meron akong kaibigan na may hose inano n’ya ako na parang bumbero kaya namatay ang apoy,” dagdag pa ng biktima.
Pinasinungalingan din ng biktima na may relasyon sila ng mister ng salarin dahil may-asawa naman siya.
“Hindi kami magkasama sa hotel na pinagkakalat niya. Ako daw po nakita niya, eh noong araw na yon nasa bahay kami ng asawa ko,” giit ng biktima.
Sinabi naman ni Major Philipp Ines, hepe ng MPD-Public Information Office, na hindi ito ang unang pagkakataon na tinangkang patayin ng misis ang pinagseselosan niyang mga babae.
Nalaman na Oktubre 1, 2022 ay sinaksak nito ng basag na bote ang isang babae na pinaghihinalaan niyang may relasyon sa kanyang mister kaya kinasuhan rin siya ng frustrated homicide.
Wala namang reaksyon ang mister ng babae.(Jocelyn Domenden)