Advertisers

Advertisers

MALACAÑANG PRESS CORPS NAGHATID NG NGITI AT PAG-ASA SA BAHAY ARUGA

0 27

Advertisers

ISA na namang outreach mission ang matagumpay na naisagawa ng Malacañang Press Corps (MPC) sa Bahay Aruga sa Maynila nitong Huwebes, Agosto 1.

Ito’y isang patunay ng kabutihang loob at malasakit ng ating mga mamamahayag sa mga batang nangangailangan.

Aba’y sa kabila ng abalang iskedyul sa paghahatid ng mga balita mula sa Malacañang, nakapaglaan pa rin ng oras ang mga miyembro at opisyales ng MPC upang magbigay ng tulong at pag-asa sa mga musmos na may karamdaman.



Sa pangunguna ni MPC President, Ms. Pia Gutierrez-Dela Cruz ng ABS-CBN, kasama ang iba pang opisyales ng media group tulad nina Aileen Taliping, Cath Valente, Leth Narciso, at Haydee Sampang, dala nila ang iba’t ibang donasyon tulad ng mga gamot, damit, at cash para sa mga batang pasyente ng Bahay Aruga.

Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang malasakit na ito ay isang malaking hakbang upang mapawi ang pangamba ng mga bata at kanilang pamilya habang sumasailalim sila sa gamutan sa Philippine General Hospital (PGH).



Kasama rin sa misyong ito ang Private Sector Advisory Council (PSAC) na nagbigay ng malaking donasyon na nagkakahalaga ng P500,000. Ang pagsasanib-pwersa ng MPC at PSAC ay isang magandang halimbawa ng pagtutulungan ng private at media sector para sa isang makabuluhang adhikain.

Ayon kay Ms. Jean Bonilla-Bernardo, board member ng Bahay Aruga Inc., itinayo ang kanilang shelter noong Enero 31, 2014 ng kanyang tiyahin na si Ms. Marietta Bonilla upang magbigay ng libreng tirahan at pangangalaga sa mga batang may kanser na nagpapagamot sa PGH.



Aniya, ang mga batang pasyente, mula edad 0 hanggang 19, ay kadalasang mula sa malalayong probinsya sa Luzon, Visayas, at Mindanao, na lumuluwas sa Maynila para sa gamutan.

Nagbibigay ng malaking tulong ang mga ganitong gawain, hindi lamang sa pisikal na pangangailangan ng mga bata, kundi pati na rin sa kanilang emosyonal na estado. Tunay na ang donasyon ng media group ay nagdulot ng ngiti at pag-asa sa mga munting “warriors” ng Bahay Aruga.

Ang MPC at ang PSAC ay nararapat lamang papurihan sa kanilang walang-sawang pagtulong at pagsuporta sa mga nangangailangan. Ang kanilang mga kontribusyon ay hindi lamang nagbibigay ng agarang pangangailangan, kundi naghahatid din ng inspirasyon sa marami upang magkaisa at magtulungan para sa kapakanan ng mga batang may kanser.

Kaya sa kanilang kabutihang loob, naipapakita nila ang tunay na diwa ng pagiging Pilipino—ang pagiging makatao at mapagmalasakit sa kapwa.

Nawa’y magpatuloy ang ganitong mga proyekto, hindi lang ng MPC at PSAC kundi ng iba pang grupo, at higit pang dumami ang mga indibidwal at organisasyon na magpapamalas ng malasakit at pagmamahal sa ating mga kapatid na nangangailangan ng tulong.

Mabuhay po kayo at God bless!

***

Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.