‘POLICE COVER-UP’ SA BARILAN SA BURIKIAN
Advertisers
Ni CRIS A. IBON
NABULABOG ang mga residente sa bayan ng San Pascual, Batangas nang umalingawngaw ang mga putok ng baril nang magbarilan umano ang dalawang lasing na nagmo-moonlighting na police body guards ng lider ng sindikato ng “buriki” sa compound na kuta ng burikian o paihian kamakailan sa Barangay Banaba Bypass Road sa naturang munisipalidad.
Ang insidente ay hindi manlang naitala sa police blotter ng San Pascual Police Station.
Kinilala lamang ng source ang nagbarilang pulis sa alyas “Sgt. Gubi” at alyas “Cpl. Lucido”, kapwa nakatalaga sa Special Weapon and Tactics (SWAT).
Ayon sa source, pasado 9:00 ng gabi nagkaroon ng pagtatalo ang mag-partner na pulis na bodyguard ng mga paihi maintainer na sina alyas CJ Pilar alyas Agojo ng Sto Tomas City, Delzon Adik alyas Etring at Efren, kapwa ng bayan ng San Jose, habang ang mga ito ay nakikipag-inuman sa kanilang mga boss sa nababakurang burikian sa kahabaan ng Brgy. Banaba Bypass Road.
Nag-ugat ang insidente nang naungkat ng isa sa kanila ang napipintong pagpaparelyibo sa kanila ng kanilang superior na police colonel na nakabase sa PNP Region 4A, Camp Vicente Lim, Canlubang, Laguna.
Sa gitna ng pagtatalo, ayon sa source, nagbunot ng kanyang .45 pistol si Sgt. Gubi. Tumakbo sa kanilang barracks si Cpl. Lucido at kinuha ang kanyang baril.
Sa puntong ito ay sunod-sunod nang nagpaputok si Gubi.
Matapos makuha ang kanyang .45 pistola ay walang habas ding nagpaputok si Lucido, kayat nagkanya-kanyang pulasan ang kanilang mga kainuman.
Wala namang nasugatan o nasawi sa putukan.
Nagresponde kalaunan ang mga tauhan ni San Pascual Police Chief, Major Ricky Malinao Fornolles, ngunit parehong nakapagtago na ang nagbarilang mga pulis.
Ang dalawa ay bahagi ng tropa ng mga pulis na dapat naka-duty sa SWAT ngunit nagsilbing bodyguards ng isang partylist representative na siya namang nag-utos na proteksyunan ang naturang lider ng mga sindikato.
Nabatid pa na ang ibang tropa ng mga pulis ay nagsisilbing bodyguards ng mga pulitiko, mga lider ng sindikatong buriki o kaya’y nagsisilbing handler ng mga sasabunging manok at gamefowl farm caretaker sa Batangas, at sa iba’t ibang mga rehiyon kapalit ng malalaking payolang tinatanggap ng mga ito at ng kanilang mga unit commander bukod sa kanilang buwanang sweldo sa PNP.
Ayon sa ilang mamamahayag, walang nakatala sa official police blotter ng pulisya ng San Pascual kaugnay sa insidente ng barilan sa naturang burikian, na matagal nang inirereklamo.
Dagsa ang reklamo ng mga residente ng San Pascual sa tanggapan ni Mayor Antonio Dimayuga at Major Fornolles tungkol sa mapanganib na operasyon ng burikian/paihian ng langis, krudo, gasolina at maging ng highly-combustible A1 Jet fuel at pasingaw ng Liquified Petroleum Gas (LPG) sa kanilang nasasakupan..
Liban sa naturang kuta, may isa pang pwesto ng burikian sina alyas Delzon Adik kasosyo ang isang ex-police scalawag ng Calamba City na si alyas Roy at Efren sa boundary ng Taal at Lemery, na may dalawang buwan nang nag-o-operate sa hurisdiksyon ni Taal Mayor Fulgencio “Pong” Mercado at Police Chief Capt. Rommel Magno.
May isa pang burikian na ino-operate ng isang Duterte Die Hard Supporter (DDS) na police colonel at pekeng Sgt. Buloy sa harapan lamang ng main gate ng Batangas City Pier sa Brgy. Sta. Clara, ngunit ‘di ito alintana ni Batangas City Police Chief Lt Col. Jephte Banderado at maging ni Batangas PNP Provincial Director Col. Jacinto “Jack” Malinao Jr.
Ang mga nabanggit na syndicate leaders ay pawang may police bodyguards, bagamat tanging ang tanggapan lamang ng Philippine National Police, Police Protection and Security Group (PNP-PPSG) ang may mandatong magbigay ng proteksyon at seguridad sa mga kwalipikadong personalidad.
May malalaking burikian din na nag-o-operate sa nasasakupan nina Quezon Province Governor Angelina “Helen” Tan at PNP Provincial Director Col. Ledon Monte.
Ang mga ito ay nasa Brgy. Ilayang Talim na ino-operate ng isang alyas Amigo; Brgy. Salinas na pinapatakbo ng isang Troy; Brgy. Isabang na minamantine ng isang Bong, pawang sa Lucena City; at sa Brgy. San Luis na pinapagalaw ng magkasosyong Sammy at Francis.
Sa Carmona City ay may burikian din sa Brgy. Bancal ang mag-partner na Amang at Violago, habang apat ding untouchable na buriki/paihi ang minamaneobra ng isang Ador at ng kapatid nito: isa sa Brgy. Turbina, 2 sa Brgy. Paciano Rizal, pawang sa Calamba City at sa Silangan Exit, Cabuyao City, lalawigan ni Laguna Governor Ramil Fernandez.